NANINDIGAN ang kampo ni dating House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na dapat munang mabigyan ng pagkakataong makasagot ang mambabatas sa anumang bagong alegasyon na maaaring iugnay sa kanya sa kontrobersyal na flood control scandal.
Sa gitna ito ng mga ulat na maaaring magkaroon ng bagong pahayag laban kay Romualdez mula kay dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan, nanawagan ang kanyang kampo sa Office of the Ombudsman na pairalin ang fair play at due process.
Ayon kay Ade Fajardo, legal counsel at tagapagsalita ni Romualdez, nais nilang malaman kung may anumang bagong alegasyon si Bonoan laban sa dating Speaker upang mabigyan sila ng sapat na panahon para itong sagutin.
“Hinihiling namin sa Ombudsman na ipaalam sa amin kung may alegasyon si Secretary Bonoan laban kay dating Speaker Romualdez at bigyan kami ng sapat na panahon para makapagkomento,” ani Fajardo.
Bukod kay Bonoan, sinabi rin ni Fajardo na may ulat na 28 bagong testigo umano ang hawak ng Ombudsman. Dahil dito, nais nilang malaman kung may pahayag ang mga ito na nagdidiin kay Romualdez.
Iginiit ng kampo ng dating Speaker na hindi sapat na malalaman lamang nila ang mga bagong alegasyon kapag naisampa na ang kaso sa korte.
Para kay Fajardo, sa preliminary investigation pa lamang ay dapat nang mabigyan si Romualdez ng pagkakataong harapin at sagutin ang anumang bagong paratang.
Lumakas ang panawagan ng kampo matapos iugnay sa usapin si Bonoan, na naalis sa kasong plunder at graft na may halagang P573 milyon at pinalaya mula sa pagkakakulong matapos hilingin ito ng Ombudsman.
Ang desisyon ng tatlong miyembrong Sandiganbayan Fifth Division na alisin si Bonoan sa kaso ay naging kontrobersyal, lalo na’t may isang miyembro ng dibisyon na hindi sumang-ayon at naglabas ng dissenting opinion.
Samantala, noong Agosto 20, naghain si Romualdez ng supplemental affidavit sa Ombudsman at hiniling na ihinto na ang preliminary investigation laban sa kanya.
Nakabatay ang kanyang hiling sa pagbawi ng mga alegasyon ng limang tinaguriang “Maleta Boys,” kabilang si Orly Guteza, na unang naging mahalagang testigo sa imbestigasyon sa umano’y flood control scam.
Sa kanyang sworn retraction, sinabi ni Guteza na napilitan umano siyang gumawa ng mga pahayag laban kay Romualdez.
Itinuro ni Guteza sina Sen. Rodante Marcoleta at dating Quezon City congressman Mike Defensor bilang umano’y mga taong nagpilit sa kanya na gumawa ng naturang mga alegasyon. Kapwa itinanggi nina Marcoleta at Defensor ang paratang.
Iginiit din ni Guteza na hindi niya kailanman direktang nakausap si Romualdez at hindi rin niya nakita ang dating Speaker sa address na tinukoy sa kanyang naunang affidavit.
Ayon sa kanyang pagbawi, kabilang sa mga pahayag na una niyang ginawa ang umano’y tatlong pagkakataong paghahatid niya ng mga maleta sa sinasabing tirahan ni Romualdez—na kalaunan ay sinabi niyang hindi totoo.
Dahil dito, sinabi ni Fajardo na wala nang sapat na “credible evidence” laban sa dating Speaker matapos ang pagbawi ni Guteza, apat pang “Maleta Boys,” at ang mga salaysay ng 25 kasamahan ng mga ito na kumontra sa mga orihinal na alegasyon.
Binigyang-diin din ng abogado na sa mahigit isang taon mula nang sumiklab ang kontrobersiya, wala pa ring dating DPWH secretary, engineer o tauhan ng ahensya na direktang nag-akusa kay Romualdez na sangkot sa flood control scam.
Wala rin umanong lumabas na direktang paratang na sangkot ang dating Speaker sa anumang maanomalyang flood control project o pagtanggap ng kickback.
Kaya naman, ayon kay Fajardo, malaking tanong kung bakit ngayon lamang posibleng magkaroon ng bagong alegasyon laban kay Romualdez.
Sinabi niyang kung may bagong testigo o bagong paratang, dapat muna itong ipakita sa kampo ni Romualdez upang mapabulaanan o masagot bago gumawa ng anumang hakbang ang Ombudsman.
Para sa kampo ng dating Speaker, hindi lamang usapin ng depensa ang kanilang hinihingi kundi ang pagsunod sa proseso.
“Fair play at due process,” ang panawagan ni Fajardo—na dapat marinig muna ang panig ni Romualdez bago tuluyang magdesisyon ang Ombudsman sa susunod na hakbang sa imbestigasyon.
