PARAÑAQUE CITY — Personal na ininspeksyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Miyerkules ang nagpapatuloy na clearing at waste collection operations sa Baclaran River, kung saan tinatayang 750 cubic meters o 45 truckloads ng basura na ang nahakot matapos ang malalakas na pag-ulan dulot ng bagyong Maymay at Habagat.
Mahigit 15 minuto nanatili ang Pangulo sa lugar upang alamin ang sitwasyon at talakayin ang clearing operations kasama sina Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon, Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Romando Artes, MMDA General Manager Nicolas Torre III, Department of Energy Secretary Sharon Garin, Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, at Parañaque City 1st District Rep. Eric Olivarez.
Inatasan ni Marcos ang DPWH at MMDA na magdagdag ng tauhan at kagamitan, kabilang ang dump trucks, backhoes at inflatable rubber boats, upang mapabilis ang pagtanggal ng basura at mapanatiling bukas ang daluyan ng tubig.
Ayon kay Torre, hanggang Agosto 11 ay umabot na sa 45 truckloads ang nakolektang basura mula sa ilog. Bagama’t wala pang eksaktong petsa kung kailan matatapos ang operasyon, inaasahang bibilis ito dahil malaking bahagi ng clearing ay ginagawa na gamit ang mga heavy equipment.
MALAKAS NA ULAN, BASURA AT SIRANG TRASH TRAP
Ipinaliwanag ni Marcos na nagdulot ng matinding pag-ipon ng basura sa ilog ang kombinasyon ng napakalakas na pag-ulan, naipong basura at sirang trash trap.
Ayon sa Pangulo, halos katumbas ng isang buwang ulan ang dami ng tubig na bumagsak sa Metro Manila nitong nakaraang linggo, na umabot sa halos isang metro.
Aniya, ito ang unang pagkakataong napuno nang ganoon kabilis ang bahagi ng Parañaque River.
IBA’T IBANG AHENSYA, NAKATULONG SA CLEANUP
Kasama sa clearing operations ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP), DENR Estero Rangers, at mga benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Hinimok naman ni Torre ang publiko na makiisa sa waste management efforts ng pamahalaan sa pamamagitan ng tamang pagtatapon ng basura at pag-iwas sa mga gawaing maaaring magbara sa mga ilog, estero at drainage system.
Sinusuportahan din niya ang panawagan para sa mas mabibigat na parusa laban sa mga patuloy na nagtatapon ng basura sa maling lugar.
OPLAN KONTRA BAHA, PINAIIGTING
Patuloy namang ipinag-utos ni Marcos ang pagpapaigting ng mga hakbang laban sa pagbaha sa ilalim ng Oplan Kontra Baha, kabilang ang malawakang dredging, declogging at clearing operations sa Metro Manila.
Hanggang Hunyo 30, umabot na sa 32 waterways ang saklaw ng dredging operations, habang isinagawa ang declogging sa 48 drainage systems sa Kamaynilaan.
Nakumpleto na rin ng MMDA ang cleanup at rehabilitation ng 40 estero sa ilalim ng Bayanihan sa Estero Program.
Samantala, operational ang lahat ng 73 pumping stations ng MMDA sa Metro Manila. Nakaantabay din ang mga mobile pumps na maaaring i-deploy sa mga lugar na madaling bahain kapag kinakailangan.
Paulit-ulit na binibigyang-diin ng Pangulo na mahalaga ang wastong pagtatapon ng basura upang maiwasan ang pagbabara sa mga daluyan ng tubig at drainage system na maaaring magpalala ng pagbaha tuwing tag-ulan.
