INAPRUBAHAN ng House Committee on Senior Citizens ang pagsasama-sama ng ilang panukalang batas na naglalayong palawakin ang oportunidad sa trabaho para sa mga senior citizen at higit silang maisama sa mga proseso ng pagdedesisyon sa pamahalaan.
Pinangunahan ni United Senior Citizens Party-list Rep. Milagros Aquino-Magsaysay ang pag-apruba sa consolidation ng House Bills (HBs) 7319, 7568, 8940, 9792, 10133, at 10138. Kapag naisabatas, aamyendahan ng consolidated bill ang Republic Act No. 7432 o ang Expanded Senior Citizens Act of 2010.
Binigyang-diin ni Aquino-Magsaysay na may mahalagang ambag pa rin ang mga senior citizen sa lipunan at dapat silang mabigyan ng pagkakataong patuloy na makilahok at makapaglingkod.
Aniya, layunin ng panukala na matiyak na ang mga nakatatanda ay hindi lamang kinakatawan kundi tunay na napakikinggan, nabibigyang-halaga ang kanilang pananaw, at naisasama sa mga desisyong may epekto sa kanilang komunidad.
Kaugnay nito, inihayag ng mambabatas na magsasagawa ang komite ng serye ng public hearings at konsultasyon sa iba’t ibang bahagi ng bansa simula Setyembre kasama ang mga senior citizens’ organizations at iba pang stakeholder.
Ang hakbang ay bahagi ng Bagong Kongreso initiative ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III na naglalayong ilapit ang proseso ng paggawa ng batas sa mga mamamayan.
SENIOR CITIZENS DAY CARE SA BAWAT BARANGAY
Inaprubahan din ng komite ang HB 190 ni Aquino-Magsaysay na nag-aatas sa pagtatatag ng senior citizens day care center sa bawat barangay.
Layunin ng mga center na magkaroon ang mga nakatatanda ng ligtas at aktibong lugar kung saan maaari silang makilahok sa mga recreational, social at livelihood activities.
Ayon kay Aquino-Magsaysay, makatutulong din ang mga center upang maprotektahan ang mga senior citizen na maaaring naiiwang mag-isa sa kanilang mga tahanan o walang regular na aktibidad.
SENIORS AT PWDs, ISASAMA SA EGOV PH APP
Inaprubahan din ng komite ang HB 780 ni Senior Citizens Party-list Rep. Rodolfo “Ompong” M. Ordanes.
Itinataguyod ng panukala ang kapakanan ng senior citizens at persons with disabilities (PWDs) sa pamamagitan ng kanilang pagsasama sa eGov PH Super App, upang mas mapadali ang kanilang access sa mga serbisyo ng pamahalaan.
Samantala, inatasan ng komite ang secretariat na maghanda ng substitute bill para sa consolidation ng HBs 2020 at 6765, na naglalayong magtakda ng mga patakaran, accreditation requirements at pamantayan para sa residential care facilities para sa senior citizens.
Sa pamamagitan ng mga panukala, layunin ng Kamara na palakasin ang proteksiyon, partisipasyon at oportunidad ng mga senior citizen habang patuloy silang binibigyan ng makabuluhang papel sa lipunan.
