May 22, 2024

The Insider News

Direct from the source

PCG bibigyan pa ng 5 barko ng Japan

TARGET ng Philippine Coast Guard (PCG) na magkaroon ng lima pang malalaking barko na gawang Japan, tulad ng 97-meter multi-role response vessel na BRP Teresa Magbanua (MRRV-9701) at BRP Melchora Aquino (MRRV-9702). 

Pinag-usapan ito na naganap na courtesy visit nina Japanese Prime Minister Fumio Kishida at Japan Coast Guard (JCG) Commandant, Admiral Shohei Ishii, sa PCG National Headquarters, Port Area, Manila, noong ika-04 ng Nobyembre 2023. 

Kabahagi sa naturang pagpupulong sina Japanese Ambassador to the Philippines Kazuhiko Koshikawa ng Embassy of Japan in the Philippines, Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista, at PCG Commandant, CG Admiral Ronnie Gil L Gavan. 

Ayon sa Komandante, makakatulong ang mga karagdagang barko sa pagpapalawak ng mga operasyong ng PCG, kabilang ang pagpapatrolya sa West Philippine Sea, pagsasagawa ng search and rescue mission, at pakikiisa sa humanitarian assistance at disaster response effort ng pamahalaan. 

Sa ginanap na courtesy visit, pinag-usapan din ng mga opisyal ang regular na pagsasagawa ng Trilateral Maritime Exercise sa pagitan ng PCG, JCG, at U.S. Coast Guard upang lalong mapaigting ang kooperasyon at maingatan ang kapayapaan sa karagatan ng rehiyon. 

Samantala, ipinahatid din ni CG Admiral Gavan ang kanyang pasasalamat sa gobyerno ng Japan na isa sa pinakaunang bansang tumulong sa Pilipinas, partikular sa oil spill response operation sa Naujan, Oriental Mindoro. 

Ayon sa Komandante, patunay lamang ito na ang relasyon ng Pilipinas at Japan ay naka-angkla sa malalim at matibay na pagkakaibigan ng dalawang bansa.