NASAWI ang isang matandang lalaki at isang babae noong Sabado nang mangyari ang malagim na aksidente sa kalsada sa Bgy. Magaspac, Gerona, Tarlac.
Kinilala ng Tarlac police ang isa sa mga nasawi na si Alejandro Lacayanga, 67 habang ang isa pang nasawing babae ay bineberipika pa ang pangalan.
Habang sugatan naman si Carl John Cleofas, 27anyos.
Ang tatlo ay pawang residente ng Bgy. Nancamarinan, Paniqui, Tarlac.
Sa imbestigasyon, lumabas ang Toyota Hilux na nakarehistro sa ilalim ng barangay Nancamarinan na minamaneho ng barangay chairman na si Tony Facun, 58, patungong north direction nang makarating sa Bgy. Magaspac sa bayan ng Gerona, isang trak umano ang nag-overtake sa pick-up truck.
Agad na nawalan ng kontrol sa sasakyan ang driver ng Toyota Hilux hanggang sa bumangga sila sa poste ng Tarelco sa tabi ng highway.
Dinala si Cleofas sa Jecson Medical Hospital upang malapatan ng lunas habang ang iba ay isinugod sa Tarlac Provincial Hospital, kung saan idineklarang dead on arrival si Lacayanga at ang babae.
