HULI ang isang pulis na nahaharap sa kasong rape sa loob ng Camp Macabulos sa Bgy. San Vicente, Tarlac City nitong Biyernes.
Tinukoy ni Police Regional Office 3 director Brig.Gen. Jean Fajardo ang akusado ay isang 47-anyos na pulis na nakatalaga sa National Police Training Institute-Police Regional Training Center 7 (NPTI-PRTC 7).
Isang residente ng Bgy. Tibag, Tarlac City, inaresto ang pulis batay sa warrant na inilabas ng Regional Trial Court, Third Judicial Region, Branch 59, Angeles City, Pampanga dahil kasong qualified rape ng isang menor de edad na isang non-bailable offense.
Noong 2024, inakusahan ng pangmomolestiya ang suspek sa isang menor de edad sa Bgy. Tibag, Tarlac City.
Nasa kustodiya na ngayon ng Provincial Intelligence Unit-Tarlac Police Provincial Office ang suspek na pulis.
