PEKE ang plaka ng numerong “8” na sangkot sa road rage na viral video na kumakalat online, ayon mismo kay House Secretary-General Reginald “Reggie” S. Velasco nitong Biyernes.
Mariing kinukundena ng Kamara ang maling paggamit ng special protocol plate number na “8” ng may-ari o driver ng isang sasakyan na kamakailan lang ay nasangkot sa alitan sa trapiko, gaya ng makikita sa video.
“Sa panonood ng viral video, mukhang peke ang protocol plate. Mukhang wala itong security features ng orihinal na ‘8’ protocol plate. Madaling matukoy ng ating mga law enforcement agencies ang mga pekeng plates at makumpiska ang mga ito,” sabi ni Velasco.
Hinimok ni Velasco ang mga awtoridad na agad na imbestigahan at panagutin ang indibidwal sa video.
“Ang paggamit ng pekeng special plate number ay labag sa batas at na may parusang sa pagkakasala sa ilalim ng mga umiiral na batas. Ito ay isang seryosong bagay na sumisira sa integridad ng mga opisyal na marka at nakakasira ng tiwala ng publiko,” aniya.
Aniya, ang espesyal na protocol plate na “8” ay inilalabas lamang para sa opisyal na paggamit ng mga nakaupong miyembro ng Kamara ng mga Kinatawan.
Nanawagan si Velasco sa publiko na manatiling mapagmatyag at mag-ulat ng mga katulad na insidente.
Sinabi naman ni House Committee on Overseas Workers Affairs Chairman Jude Acidre ng Tingog Party-list na hindi hinihikayat ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang paggamit ng mga espesyal na “8” plates at nanawagan para sa kanilang pagsuko sa Kamara.
Sinabi rin ni Acidre sa kanyang pagkakaalam, wala pang mga naturang plaka na inilabas sa 19th Congress.
“Ako, personally, hindi ako gumagamit ng protocol plates, pero may mga kasamahan ho tayo na mas napapadali ang trabaho nila dahil gumagamit sila ng protocol plates,” dagdag pa ni Acidre sa mga reporters sa isang press conference via Zoom.
Ang mga nabigyan ng ganitong pribilehiyo ay dapat gamitin ito nang naaangkop.
