
WALANG nakikitang problema ang mga mambabatas para sa pagdaraos ng isang plebesito sa mga panukalang amyenda sa 1987 Konstitusyon, kasabay ang 2025 midterm elections.
Sa idinaos na pulong balitaan sa Kamara, sinabi ni House Deputy Majority Leader at Mandaluyong City Rep. Neptali Gonzales II na ang posisyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagdaraos ng plebesito kasabay ng midterm elections ay isang praktikal at matipid na pasya.
“There’s no problem with that. In fact that’s very practical and very economical considering that isasabay mo lang sa election next year. At considering that, ‘yung PCOS machine, maglalagay ka lang naman dun (in the official ballot) ng portion na yes or no,” aniya.
Si Gonzales ay nagsilbi bilang floor leader ng committee of the whole sa mga deliberasyon sa Resolution of Both Houses (RBH) No. 7, na naglalayong magmungkahi ng mga amyenda sa mga Articles XII, XIV at XVI ng Konstitusyon.
Idinagdag ni Gonzales na nakatuon ang Kamara sa pagmamantine ng kanilang itinakdang panahon upang ipasa ang RBH 7 sa ikatlong pagbasa, bago ang bakasyon para sa Semana Santa, at ang proseso ay alinsunod sa partikular na rekisitos sa mga proseso.
“Under our rules, we are supposed to process this in a nature of a bill. That has to go through first, second, third reading, and ipapadala ito sa Senate,” paliwanag ni Gonzales. Binanggit niya rin na hihintayin ng Kamara ang counterpart na RBH 7 ng Senado.
Si Gonzales ay sinamahan ng mga mambabatas sa pulong balitaan at nagsabing ang panukalang paraan ng plebesito sa panahon ng halalan ay pag-aaralang maigi, bagama’t sinabi na ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia na tinatanggap nila ang posibilidad ng pagdaraos ng plebesito sa susunod na taon.
Ayon kay Davao Oriental Rep. Cheeno Miguel Almario, gagalugarin ng Kamara ang lahat ng posibilidad, dahil ang usapin ay hinggil sa Konstitusyon.
“We need to look into all the avenues and all the possibilities and what the law provides that we can do or cannot do,” paliwanag ni Almario.
Ipinahayag ni ANAKALUSUGAN Party-list Rep. Ray Reyes na sapat ang oras upang ganap na masuri ang mga ligal na aspeto ng pagdaraos ng plebesito sa panahon ng halalan, para makapagpasya.
Wala ring nakikitang problema si South Cotabato Rep. Peter Miguel kung ang plebesito ay gagawin nang hiwalay sa 2025 midterm elections, dahil ang potensyal na mga benepsyo nito ay makakamtan sa pag-apruba ng mga panukalang amyenda, na mas lamang kesa sa mga gagastusin sa hiwalay na plebesito.
“Maliit po ‘yong gagastusin for the sake of a monumental development… Iyon po ang take ko. Kung hindi pu-pwedeng sabay, so be it. Gawin natin ng hiwalay,” ayon kay Miguel.