SINALAKAY ng mga tauhan ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG)nitong Martes ang isang kumpanya ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Subic, Zambales na ilegal na nagpapatakbo at lumalabag sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. .
Ayon kay PNP-CIDG director Maj. Gen. Leo M. Francisco, natuklasan ang ilegal na POGO hub sa no. 9-B Grooper St., Subic Freeport Zone sa Zambales matapos ang ilang araw na surveillance.
“Natuklasan namin ang isang ilegal na POGO ring sa Zambales sa kabila ng direktiba ni PNP chief Gen. Rommel Francisco D. Marbil na tiyakin na ang utos ni Pangulong Marcos na pagbabawal sa POGO operations sa bansa ay maipapatupad ng buo,” sabi ni Francisco.
Sinabi ng opisyal na ang pagsalakay sa Subic ay nagresulta sa pag-aresto sa dalawang suspek na nakilala bilang “Bao Go” at “A Hai” at ang pagsagip sa 18 iba pang mga Chinese nationals na pinaniniwalaang biktima ng human trafficking.
Ang operasyon ay isinagawa ng mga miyembro ng CIDG Intelligence Division, sa koordinasyon ng CIDG Olongapo Field Unit, at ng Subic Bay Metropolitan Authority Law Enforcement Division.
Bitbit ng mga CIDG officers search warrant para sa paglabag sa Republic Act 9208 ng RA No. 10364 na kilala rin bilang The Expanded Human Trafficking Act of 2012 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012 na inisyu ni Judge Melani Fay Tadili ng Olongapo City Regional Trial Court Branch 99 nang salakayin ang hub.
Nakuha sa operasyon ang 18 desktop computers, dalawang CCTV DVRs, anim na Android mobile phones, anim na iPhones, iba’t ibang dokumento, bank cards, IDs, passports, isang safety vault, at iba’t ibang bolos.
Ang mga naaresto na suspek ay sinampahan ng kasong paglabag sa RA 9208 o RA 10364.
