In photo: Tanaw mula sa mataas na gusali ang lawak ng sunog na tumupok sa mga kabahayan sa Waling-Waling Street, Barangay Central, Quezon City, habang patuloy na nakikipaglaban sa apoy ang mga rumespondeng bumbero.
NAGLIYAB at umabot sa Fifth Alarm ang sunog sa isang residential area sa Waling-Waling Street, Barangay Central, Quezon City, nitong Martes ng hapon.
Batay sa ulat ng Bureau of Fire Protection-National Capital Region (BFP-NCR), nagsimula ang sunog dakong 12:47 ng tanghali.
Mabilis na lumaki ang apoy kaya sunod-sunod na itinaas ang alarma. Umabot ito sa Second Alarm alas-1 ng hapon, Third Alarm alas-1:10, at Fourth Alarm alas-1:27.
Kalaunan, umabot sa Fifth Alarm ang sunog dahil sa mabilis na pagkalat ng apoy sa magkakadikit na bahay.
Dakong 2:47 ng hapon nang ideklarang under control ang sunog.
Karamihan sa mga nasunog na bahay ay gawa sa light materials, dahilan para mabilis na kumalat ang apoy sa lugar na malapit sa Lung Center of the Philippines.
Kasabay ng pagsiklab ng apoy ang malakas na ulan na may pagkulog at pagkidlat, na nagdagdag sa hirap ng mga residenteng lumikas at mga bumberong nagsasagawa ng pag-apula.
Ilang residenteng nawalan ng tirahan ang pansamantalang sumilong sa ulan habang nagpapatuloy ang operasyon ng mga awtoridad.
Patuloy ang imbestigasyon ng BFP upang matukoy ang pinagmulan ng sunog at halaga ng pinsala.
Wala pa namang kumpirmadong ulat kung may nasawi o nasugatan sa insidente.
