NAG-ALAY ng panalangin at pakikiramay si Pope Leo XIV sa mga biktima ng magnitude 6.9 na lindol na tumama sa hilagang Cebu noong Martes ng gabi, sinabi ni Cebu Archbishop Alberto Uy nitong Huwebes.
Sinabi ni Uy na natanggap niya ang mensahe sa pamamagitan ng Apostolic Nuncio to the Philippines, Archbishop Charles John Brown.
“Tinawagan ako ng Apostolic Nuncio to the Philippines, Archbishop Charles John Brown, para iparating ang taos-pusong pakikiramay ng Santo Papa sa lahat ng mga nakaligtas sa lindol, at ang kanyang mga panalangin para sa mga biktima,” sabi ni Uy.
Base sa pinakahuling ulat na inilabas ng mga awtoridad noong Oktubre 2, umabot na sa 72 ang nasawi sa lindol, habang 294 ang nasugatan.
Iniulat din ng National Disaster Risk Reduction and Management Council na kabuuang 170,959 katao ang naapektuhan, at 20,000 katao ang nananatiling lumikas noong Huwebes.
Hindi bababa sa 53 lungsod at munisipalidad ang isinailalim sa state of calamity.
Sa kanyang homiliya para sa Feast of the Guardian Angels, hinimok ni Uy ang mga mananampalataya na isama ang misyon ng mga anghel sa pamamagitan ng pagtulong sa mga nangangailangan.
Noong Miyerkules, binisita ng arsobispo ang ilang parokya na lubhang naapektuhan ng lindol at nag-alay ng panalangin sa Daanbantayan District Hospital para sa mga nasugatan.
