ANG paghubog ng batas para tuldukin ang sexual harassment lalo sa lugar ng trabaho ay dapat tumutok sa power play, ani Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla ngayong Huwebes.
Giit ni Padilla, na humawak sa pagdinig tungkol dito, ang mga kaso ng sexual harassment ay nangyayari hindi lang sa entertainment industry kundi sa ibang lugar ng trabaho.
“Dapat wala diyan ang power play. Sa aking maiksing pag-aaral sa topic na ito nakita natin ang sexual harassment ay malamang ang laging pinaguusapan diyan ay power play. Talagang ang may kapangyarihan kung sino ang pwede mag-promote o magbigay ng anumang incentive, laging doon bumabagsak,” aniya.
“Kaming artistang nandidito gusto ipaalam sa inyo nangyayari ang sexual harassment sa industry namin. Marami akong nabasa na kaso nangyayari sa ibang office at government pa at kadalasan sa paaralan,” dagdag niya.
Ani Padilla, nais niyang makita ang information drives ng ahensya tulad ng Philippine Information Agency at Department of Education para sa publiko.
Naghain si Padilla ng Senate Bill 2777 para tiyaking hindi lang mas malakas ang ating mga batas kundi mas “gender-responsive,” dahil parehong lalaki at babae ang biktima ng sexual assault.
“By doing so, we can be more certain that our laws are stronger, more gender-responsive, and progressive especially in these changing times,” aniya.