TINIYAK ng Department of Agriculture-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (DA-BFAR sa publiko na nananatiling stable ang presyo ng bangus at tilapia sa National Capital Region.
Ayon sa pinakabagong ulat sa price monitoring ng DA-BFAR, na sumasakop sa 10 pangunahing retail markets sa Metro Manila, ang medium-sized na bangus mula sa Bulacan at Pangasinan ay nagkakahalaga ng Php180 bawat kilo, samantalang ang medium-sized na tilapia mula sa Batangas at Pampanga ay nagkakahalaga ng Php120 bawat kilo.
Karaniwang ang dalawang hanggang tatlong piraso ng medium-sized bangus ay umaabot ng isang kilo, at ganun din ang tilapia.
Walang nakikita ang DA-BFAR na pagbabago sa kasalukuyang retail prices ng bangus at tilapia.
Nanatili ang presyo ng mga itong produkto mula pa noong mga nakaraang linggo dahil sa sapat na suplay mula sa mga taniman.
Bukod dito, bumaba ang farmgate prices ng tilapia mula Php90-Php93 noong nakaraang linggo patungo sa Php85-Php88 ngayong linggo, habang ang farmgate prices ng bangus ay Php130-Php140 lamang ngayong linggo.
Bagaman stable ang pangkalahatang sitwasyon ng presyo ng bangus at tilapia, sinabi ng ahensya na maaaring magkaruon ng mga maliit na pagkakaiba sa presyo dahil sa iba’t ibang kadahilanan, kasama na ang iba’t ibang laki ng mga supply sa mga wet market at ang uri ng pamilihan.
Ang malalaking bangus, halimbawa, ay may mas mataas na presyo na umaabot ng Php200-Php240 bawat kilo. Dagdag pa, ang mga secondary market — na kumukuha ng kanilang supply mula sa primary market — ay maaaring magbenta ng mga produkto ng mga isda sa mas mataas na presyo.
Samantalang, inaasahan ng DA-BFAR ang pagtaas ng suplay ng lokal na sariwang galunggong sa mga merkado dahil nagtapos na ngayong araw, Enero 31, ang closed fishing season sa Palawan, isang pangunahing pinagkukunan ng galunggong sa Luzon.
Pinagpapatuloy ng DA-BFAR at iba pang kinauukulan ang mga pagsisikap sa price at supply monitoring upang tiyakin na abot-kaya at sapat ang suplay ng mga isdang produkto para sa mga mamimili sa Metro Manila.
