
Bilang tugon sa panawag ni Pangulong Ferdinad “Bongbong” R. Marcos Jr. na bumuo ng programa na magbibigay ng tulong pinansyal at murang bigas sa mga mahihirap at vulnerable na pamilya, inilusad na rin ang Cash and Rice Distribution (CARD) Program ngayong Sabado sa Bukidnon matapos ang matagumpay na pagbubukas nito sa Metro Manila at ilang lugar sa Laguna.
Kabuuang 3,000 benepisyaryo mula Bukdinon ang nakatanggap ng tulong.
Ayon kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, pangunahing nagsusulong ng programa, nilalayon nitong mamahagi ng bigas at tulong pinansyal sa mga mahihirap at vulnerable na mga Pilipino sa pamamagitan ng legislative districts ng bansa.
Itinaon ang CARD Program sa ginaganap na Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) sa Bukidnon.
Ang proyektong ito ay magkatuwang na ipinapatupad ng Kamara at ng Department of Department of Social Welfare and Development (DSWD).
“Mapalad ang Bukidnon dahil isa po kayo sa mga lugar na napiling pagdausan ng dalawang pinakabagong programa ng ating gobyerno — ang Bagong Pilipinas Serbisyo Fair at ang Cash and Rice Distribution o CARD Program,” sabi ni Speaker Romualdez sa paglulunsad ng CARD program sa lalawigan.
“Nabuo ang programang ito para tulungan naman ang ating Pangulong Marcos, Jr. na mabigyan ng mura at magandang klase ng bigas ang ating mga komunidad sa iba’t-ibang panig ng bansa,” dagdag niya
Umagapay naman kay Speaker Romualdez sa pag-arangkada ng CARD sa probinsya sina Bukidnon Reps. Jonathan Keith Flores at Laarni Lavin Roque, Gov. Neil Roque, at Davao de Oro Rep. Maria Carmen Zamora.
Sa pagdating ng CARD program sa Bukidnon, 3,000 benepisyaryo ang natulungan.
Una nang inilusad ang CARD sa 33 distrito sa Metro Manila na may tig-10,000 benepisyaryo o kabuuang 330,000 na residente.
Mayroon ding 5,000 residente ng Biñan at Sta. Rosa Cities sa Laguna ang natulungan ng CARD.
Sa ilalin ng programa, kada benepisyaryo na kinabibilangan ng senior citizens, PWDs, solo parents and IPs – ay makakatanggap ng hindi bababa sa P2,000 na halaga ng tulong pinansyal at rice assistance na kinabibilangan ng isang sako ng 25-kilogram na bigas at P1,000 cash para pambili ng iba pang pagkain.
Ang DSWD ang tumutukoy sa mga benepisyaryo.
Bahagi rin ng CARD program ang patatayo ng mga booth kung saan makakabili ng mas murang bigas.
“Alam natin na buong mundo ang nahihirapan sa pagtaas ng presyo ng bilihin dahil sa global inflation na dala ng mga digmaan sa Middle East. Dahil dito, hindi ganoon kadali para sa pamahalaan na mapapababa ang presyo ng bigas dito sa atin sa Pilipinas,” paliwanag ni Speaker Romualdez
“Gayunpaman, sinikap nating humanap ng paraan kung paano makatulong para mapagaan ang buhay ng ating mga kababayan sa harap ng pagtaas ng presyo ng bigas at iba pang bilihin,” saad pa nito.
Magkatuwang na binuo ang CARD program ng Kamara de Representates at ni DSWD Sec. Rex Gatchalian.
“Hindi lamang dito sa Bukidnon natin inilulunsad ang CARD program na ito. Nailunsad na rin natin ito sa Laguna at sa 17 siyudad at munisipyo sa buong Metro Manila. Target po natin na mabigyan ang 10,000 benepisyunaryo sa bawat distrito,” pagpapatuloy ni Romualdez
“Layon po natin na palawakin ang programang ito sa lahat ng panig ng bansa. Uunahin lamang natin ang mga siyudad kung saan mayroong kakulangan sa suplay ng mura at de-kalidad na bigas. Simula pa lamang ito ng patuloy na pagbibigay natin ng ginhawa sa ating mga mamayan,” wika pa nita.
“Asahan ninyo na laging katuwang ninyo at ng ating Pangulong Marcos ang aking Office of the Speaker at ang buong kasapian ng House of Representatives para masigurong may sapat na pondo ang lahat ng programang laan para sa ordinaryong PIlipino,” saad ng House leader.
Katulad ng BPSF, sinabi pa ni Speaker Romualdez na iikot rin ang CARD program sa buong bansa para serbisyuhan ang 250 congressional districts na may 10,000 benepeisyaryo kada distrito o kabuuang 2.5 milyong indigent at vulnerable na mga Pilipino.