TIMBOG ang isang 52-taong-gulang na Koreano na pinaghahanap ng Interpol dahil sa umano’y pagpapatakbo ng isang napakalaking sindikato ng ilegal na online gambling.
Kinilala ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Joel Anthony Viado ang pugante bilang si Cho Yungeon o mas kilala rin bilang Cho Min.
Agad na naaresto si Cho noong Martes, Hulyo 15, sa departure area ng NAIA Terminal 1 sa Pasay City ng mga operatiba ng Fugitive Search Unit (FSU) ng BI, sa pakikipagtulungan ng mga awtoridad ng South Korea, ng Philippine National Police-Interpol Group (PNP-IG), at ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).
Sinabi ni FSU Chief Rendel Ryan Sy na ang pag-aresto ay nag-ugat sa impormasyong ibinigay ng mga awtoridad ng Korea, na humingi ng tulong sa ahensiya upang mahanap ang pugante .
Si Cho ay sangkot sa isang warrant of arrest na inisyu ng Busan District Court dahil sa umano’y pagpapatakbo ng isang ilegal na online gambling website mula sa Makati City simula noong Enero 2024.
Ang kanyang sindikato ay umano’y tumatanggap ng mga taya sa mga domestic at international sporting event, nagproseso ng mga online deposit, nagbayad ng mga panalo batay sa betting odds, at nag-alok din ng mga laro sa casino tulad ng baccarat.
Agad na naglabas ang Interpol ng Red Notice laban kay Cho.
Natuklasan sa rekord ng BI na pumasok si Cho sa Pilipinas noong 2019 gamit ang isang Cambodian passport sa ilalim ng pangalang Cho Min, habang kinumpirma ng biometric verification kalaunan na siya ang parehong indibidwal na pinaghahanap na Korean national na si Cho Yungeon.
“Ang pag-arestong ito ay nagpapadala ng malinaw na mensahe na ang Pilipinas ay hindi magsisilbing santuwaryo para sa mga cybercriminal at mga internasyonal na pugante na nagtatago sa likod ng mga maling pagkakakilanlan,” sabi ni Viado. “Ang mga nagsasamantala sa ating sistema ng imigrasyon upang umiwas sa hustisya ay matatagpuan, aarestuhin, at aalisin sa ating bansa. Sa pamamagitan ng aming malapit na pakikipagtulungan sa mga internasyonal na kasosyo sa pagpapatupad ng batas, patuloy naming tutugisin ang mga dayuhang pugante na nagbabanta sa kaayusan ng publiko at sa integridad ng ating mga hangganan.”
Ang naarestong dayuhang mamamayan ay isinuko sa BI Warden Facility, kung saan siya ay mananatili habang hinihintay ang mga proseso ng deportasyon.
