MAGSUSUMITE ng Senate Resolution expressing the sense of the Senate si Sen. Idol Raffy Tulfo sa hearing ng Senate Committee on Public Services para tuluyang masuspinde ang PUV Modernization Program dahil nakita niyang tadtad ito ng kapalpakan.
Sa pakikipagusap niya sa iba’t ibang miymebro ng transport groups, lumitaw na “ang PUV modernization program ay hindi pinagisipan, hindi pinagaralan hindi pinagplanuhan at minadali.”
“Ang resulta, marami ang mga maliliit nating kababayan ang nadedehado, partikular na ang mga tsuper ng jeepney,” dagdag niya.
Nakita rin ni Sen. Idol na nababalot ito ng korapsyon. Sinegundahan naman ito nila Majority Floor Leader Francis Tolentino at Senator JV Ejercito.
Una na kasing nagmungkahi si Senate President Francis Escudero tungkol sa pagsuspinde sa PUV Modernization Program dahil maging siya ay nakitaan ito ng samut-saring problema.
Laking tuwa naman ng mga jeepney operators and drivers sa naging magandang resulta ng Senate hearing.
