IDINEPLOY na ng Quezon City Law and Order Council ang kanilang mga tauhan sa sementeryo at kolumbaryo sa lungsod bilang paghahanda para sa darating na undas sa susunod na Linggo.
Nakapwesto na at handang umagapay ang kapulisan, mga medical personnel at mga tauhan ng Department of Public Order and Safety o DPOS kasama ang mga baranggay tanod.
Nakahanda rin ang Traffic Management and Engineering Unit na umalalay sa mga motorista upang maiwasan ang pagkakabuhul-buhol ng daloy ng mga sasakyan.
Maging ang mga istasyon ng bus ay binabantayan ng lokal na pamahalaan dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga byaherong uuwi sa kani-kanilang mga probinsya upang doon gunitain ang Undas.
Inaasahan na maraming maagang dadalaw sa mga sementeryo upang maglinis ng mga puntod bunsod na rin ng long weekend na inideklara ng palasyo.
Ang maagang pagbabantay sa mga sementeryo, kolumbaryo at bus station ay bahagi ng programa ng lokal na pamahalaan na panatilihin ang kaayusan sa lungsod sa gitna ng paggunita sa undas.
Sa inaasahang pagdagsa ng ating mga kababayan sa mga sementeryo, mariin pa rin ang paalala ng lokal na pamahalaan na manatiling mag-ingat lalo pa at may mga bagong variant ng covid-19.