
Pinarangalan ng International Association of Providers of AIDS Care (IAPAC) ang pamahalaang lokal ng Quezon City ng gawad Circle of Excellent Award sa Fast Track Cities of 2022 conference na ginaganap sa Sevilla, Spain.
Ang parangal ay pagkilala sa masinop at epektibong pagtugon ng lokal na pamahalaan ng Quezon City sa COVID-19.
Kasama ni Mayor Joy Belmonte sa pagtanggap ng award si City Epidemiology and Surveillance Unit Chief Dr. Rolly Cruz.
Napili ang Quezon City ng International Association of Providers of AIDS Care (IAPAC) at ng Fast-Track Cities Institute (FTCi) matapos ang mahigpit na proseso ng nominasyon, mga deliberasyon, at konsultasyon sa Joint United Nations Programme on HIV/AIDS (UNAIDS).
Maliban sa Lungsod ng Quezon, tumanggap din ng parangal ang Amsterdam, New York, Kingston, Johannesburg at Lagos.
Kabilang din sa tumanggap ng “Community Leadership Award” ang 100% Life, isang community-based organization sa bansang Ukraine dahil sa mga pagsisikap nito sa habang patuloy ang digmaan sa kanilang bansa, at sa pagtulong sa mga Ukrainians na apektado ng HIV.