NASABAT ng Bureau of Customs (BOC)–Port of Clark, katuwang ang PDEA at Clark Inter-Agency Task Force Against Illegal Drugs, ang tinatayang 1,675 gramo ng hinihinalang ketamine na nagkakahalaga ng ₱8.375 milyon.
Palihim na itinago ang kontrabando sa loob ng resin rabbit figurine na mula France at idineklarang “indoor decorative molded polyresin ornament.”
Nadiskubre ang droga matapos magpositibo sa K-9 sniff test ang parcel, dahilan para isailalim ito sa 100% physical examination. Sa loob ng rebulto, nakita ang puting mala-kristal na substance na pinaniniwalaang ketamine. Nagpakita rin ng positibong resulta ang initial screening gamit ang Rigaku Spectrometer.
Naglabas ang Customs ng Warrant of Seizure and Detention (WSD) laban sa shipment dahil sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act at Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.
Ayon kay BOC Port of Clark District Collector Jairus S. Reyes, mahalaga ang mahigpit na koordinasyon ng mga ahensya upang mapigilan ang pagpasok ng ilegal na droga sa bansa.
Tiniyak naman ni Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno na patuloy na paiigtingin ng BOC ang pagbabantay sa mga paliparan at iba pang ports of entry laban sa droga at iba pang kontrabando.
