PATAY sa pamamaril ang 57- anyos na radio broadcaster ng Misamis Occidental nitong Linggo ng umaga .
Batay sa ulat ng Philippine National Police (PNP) nakilala ang biktimang si Juan Jumalon aka “Johnny Walker,” may-ari ng Radio Station 94.7 ng Calamba Gold FM.
Sa imbestigasyon ng Police Regional Office 10, pinagbabaril ang biktima habang nagtatatrabaho sa loob ng kanyang istasyon sa Purok 2, Barangay Don Bernardo Neri sa Calamba, Misamis Occidental bandang alas 5:35 ng madaling araw.
Agad namang tumakas ang suspek matapos ang pamamaril .
Ayon sa imbestigador pumasok ito sa loob ng nasabing lugar saka ito pinagbabaril ng malapitan.
Tumama ang bala sa kanyang baba at tumagos sa kanyang likuran ng ulo kaya naman agad na dinala ang biktima ng kanyang mga kaanak sa Calamba District Hospital kung saan ideneklara na itong dead on arrival.
Matapos ang insidente ng pamamaril ay agad nagkasa ng checkpoint ang Calamba Municipal Police Station upang magsagawa ng dragnet operation sa suspek.