NAG-ISYU ang Land Transportation Office (LTO) ng Show Cause Order (SCO) para sa rehistradong may-ari at itinalagang driver ng isang coaster na pag-aari ng pamahalaan. Ang hakbang na ito ay kaugnay ng isang video na kumalat sa Facebook, kung saan makikita ang nasabing sasakyan na nasangkot sa banggaan habang sinusubukang pumasok sa EDSA Carousel Bus Lane.
Alinsunod sa SCO, inaatasan ang mga sangkot sa insidente na humarap sa opisina ng Intelligence and Investigation Division. Kinakailangan din nilang magsumite ng sinumpaang pahayag kasama ang mga orihinal na dokumento upang ipaliwanag kung bakit hindi dapat managot ang driver sa mga paglabag tulad ng Reckless Driving, Disobeying Traffic Signs By Using EDSA Carousel Bus Lane—alinsunod sa Section J.2, Title I ng DOTC Joint Administrative Order No. 2014-01 at Improper Person to Operate a Motor Vehicle.
Bilang bahagi ng tamang proseso, ang lisensya ng driver ay pansamantalang sinuspinde sa loob ng 90 araw at ang sasakyan ay inilagay sa ilalim ng alarm status. Ang hindi pagdalo o hindi pagsusumite ng kinakailangang paliwanag ay ituturing na pagtalikod sa karapatang mapakinggan, at ang kaso ay pasisiyahan batay sa mga ebidensyang hawak ng ahensya.
Sa pahayag ni LTO Chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, binigyang-diin niya: “Ang LTO ay walang kinikilingan at hindi magpapalampas sa anumang paglabag sa batas trapiko, anuman ang pagmamay-ari o katayuan ng mga sangkot. Ipatutupad namin ang mga batas trapiko nang pantay at mahigpit upang mapangalagaan ang kaligtasan at kaayusan ng lahat ng gumagamit ng kalsada.”
