NAGBIGAY ng talumpati si FPJ Panday Bayanihan Party-List Representative Brian Poe bilang paggunita sa National Farmers’ and Fisherfolk’s Month, kung saan binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pangangalaga sa maritime biodiversity, suporta sa mga mangingisda, at pagpapalakas ng food security at soberanya ng bansa.
Sa kanyang talumpati sa Kamara, sinabi ni Poe na ang Pilipinas, bilang isa sa pinakamalalaking archipelagic nations sa mundo na may mahigit 7,600 isla at higit 36,000 kilometro ng baybayin, ay may responsibilidad na protektahan ang yamang-dagat ng bansa.
Ayon sa mambabatas, hindi lamang usaping pangkalikasan ang maritime conservation kundi usapin din ng ekonomiya, seguridad sa pagkain, at pambansang soberanya.
“Protecting our maritime biodiversity is not simply an environmental issue. It is an economic issue. It is a food security issue. And it is a sovereignty issue,” ani Poe.
Ibinahagi rin niya ang mga hinaing ng mga mangingisda mula sa Pangasinan, Bataan, at Tarlac, kabilang ang mataas na presyo ng gasolina at kagamitan sa pangingisda, kakulangan ng suporta, at pagpasok umano ng malalaking commercial fishing vessels sa municipal waters na dapat ay para sa maliliit na mangingisda lamang.
Binigyang-diin din ng nasabing mambabatas ang papel ng Philippine Coast Guard at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa paglaban sa illegal, unreported, at unregulated fishing na nagdudulot umano ng bilyong pisong pagkalugi bawat taon.
Ayon sa datos na binanggit niya, umaabot sa ₱41.8 bilyon hanggang ₱62.6 bilyon kada taon ang nawawala sa ekonomiya dahil sa ilegal na pangingisda.
Nagbabala rin si Poe laban sa labis na pagdepende sa imported na isda at produktong dagat.
“The Philippines cannot import its way out of food insecurity. We cannot overfish our oceans into prosperity,” dagdag pa niya.
Nanawagan din ang kongresista para sa mas mahigpit na anti-illegal fishing laws, mas malinaw na municipal fishing boundaries, mas malaking suporta sa fisherfolk cooperatives, at dagdag na pondo para sa maritime patrol vessels at enforcement operations.
Ayon kay Poe, mahalagang mahanap ang balanse sa pagitan ng economic development at environmental protection.
“Conservation is not anti-development. Conservation is the foundation of sustainable development,” aniya.
Sa pagtatapos ng kanyang talumpati, nagpahayag si Poe ng suporta at pagkilala sa mga magsasaka at mangingisda ng bansa.
“Ipaglaban po natin ang ating mga minamahal na magsasaka, mangingisda at ang lupa’t dagat kung saan sila’y naghahanapbuhay para sa ating kapakanan,” saad niya.
