Makikita sa larawan ang baybayin ng isang kilalang beach resort sa loob ng Subic Bay Freeport Zone na natatakpan ng mabahong, mabula, at kayumangging likido na kumakalat sa dalampasigan at tubig-dagat, na nagdulot ng takot sa mga manlalangoy at nagtulak sa mga turista na lisanin ang lugar.
SUBIC BAY FREEPORT —NAGKAGULO hanggang sa mapilitang umalis ang mga turista dahil sa takot matapos kumalat sa isang sikat na beach resort sa San Bernardino Road sa loob ng Subic Bay Freeport Zone ang mabahong kayumangging likido sa dagat at baybayin.
Ayon sa isang eksklusibong panayam sa isang kawani ng resort, naganap ang insidente noong umaga ng Linggo, Hulyo 19, nang mapansin ng ilang bisitang lumalangoy ang isang kakaibang sangkap na kumakalat sa tubig.
Inilarawan ng mga kawani ang likido bilang isang kulay brown , mabula, at nagmamantikang putik na may nakakasukang amoy.
Mabilis na nagtakbuhan ang mga nabulabog na turista dahil sa sobrang takot na magdulot ng panganib ito sa kalusugan habang patuloy na kumakalat ang sangkap sa dalampasigan.
Agad namang naglinis ang mga tauhan ng resort gamit ang mga materyales na gawa sa mga sako ng harina upang pansamantalang kolektahin ang mamantikang putik.
Ang operasyon ay naiukat na tumagal ng halos apat na oras bago nawala ang kontaminadong likido mula sa baybayin.
Hindi matukoy ng pamunuan ng resort o ng mga kawani nito kung saan nagmula ang putik.
Ang insidente ay naiulat na sa SBMA Ecology Center, na nagsimula na ng imbestigasyon sa pinaghihinalaang pagtagas ng putik.
Hinihintay na ngayon ng pamunuan ng resort ang mga opisyal ng SBMA Ecology Center upang matukoy ang pinagmulan ng pagtagas at kung may anumang paglabag sa kapaligiran o kalusugan ng publiko .
Ang kontaminasyon ay naiulat na nagkaroon ng agarang epekto sa mga operasyon ng resort.
Marami sa mga apektadong turista ay naglakbay mula sa Maynila, Pampanga, at Bulacan para sa isang weekend getaway.
Ilang bisita ang agad na lumipat sa ibang mga resort kahit na nakapagbayad na sila para sa kanilang mga accommodation, habang ang iba ay nagkansela ng kanilang mga reservation matapos malaman ang insidente.
