GANAP nang naging tropical storm ang dating Tropical Depression Pilandok nitong Martes ng umaga habang patuloy na mino-monitor ng PAGASA ang iba pang sama ng panahon na maaaring makaapekto sa bansa.
Ayon sa PAGASA, naging ganap na tropical storm si Pilandok, na may international name na Krovanh, bandang alas-8 ng umaga habang nasa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Taglay ng bagyo ang maximum sustained winds na 65 kilometro kada oras, habang umaabot naman sa 80 kilometro kada oras ang pinakamalalakas na pagbugso.
Huling namataan ang Krovanh may layong 1,060 kilometro silangan ng Extreme Northern Luzon.
Bukod sa Krovanh, patuloy ding mino-monitor ng PAGASA ang Tropical Storm Saudel, na nasa labas ng PAR at huling namataan may 900 kilometro kanluran ng Extreme Northern Luzon.
May lakas itong hanging 65 kilometro kada oras at pagbugsong umaabot sa 90 kilometro kada oras.
Samantala, isang tropical depression ang humina na at naging low pressure area (LPA). Mababa na ang posibilidad na muli itong maging tropical cyclone sa loob ng susunod na 24 oras.
Isa pang LPA sa labas ng bansa ang patuloy ding binabantayan at may katamtamang posibilidad na maging tropical depression sa parehong panahon.
Patuloy ang pagbabantay ng PAGASA sa kilos ng mga weather disturbance, lalo na sa posibleng pagbabago ng kanilang direksiyon at lakas na maaaring magdulot ng epekto sa bansa.
