INISYUHAN ng Show Cause Order (SCO) ng Land Transportation Office (LTO) ang rehistradong may-ari at drayber ng isang motorsiklong nag-over speeding sa expressway .
Makikita sa viral video na ina-upload sa Facebook page na “Boss J’ na nagmamaneho ang drayber ng sobrang bilis na lubhan mapanganib sa mga motorista.
Dahil dito, inatasan ang nasabing content creator kasama ang rehistradong may-ari ng motorsiklo na humarap sa Intelligence and Investigation Division (IID) ng LTO Central Office sa ika-28 ng Mayo 2026, alas-3 ng hapon, upang sagutin ang mga posibleng paglabag, kabilang ang “Reckless Driving” at “Improper Person to Operate a Motor Vehicle.”
Kasabay nito, inalarma na ang motorsiklo at ang lisensya ng drayber habang isinasagawa ang imbestigasyon.
“Hindi lisensya ang kasikatan sa social media para balewalain ang batas trapiko. Ang kalsada ay hindi lugar para sa mapanganib na content creation. Ang ganitong uri ng pag-uugali ay naglalagay sa panganib hindi lamang sa sarili kundi pati sa ibang motorista at publiko,” pahayag ni LTO Chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao.
Muling pinaalalahanan ng LTO ang publiko, lalo na ang mga content creators na maging responsable sa paggamit ng kalsada at iwasan ang paggawa ng mapanganib na gawain para lamang sa social media.
