IPINASARA ng Department of Migrant Workers (DMW) ang isang simbahan sa Baras, Rizal, kasunod ng entrapment operation na isinagawa ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) nitong hapon, Abril 28, 2025.
Iniutos ni Migrant Workers Secretary Hans Leo J. Cacdac ang pagsasara ng Faithful Promise Foundation Philippines Inc., na matatagpuan sa Santo Niño Compound, Sitio Paenaan, Baras, Rizal dahil sa ilegal na pag-recruit ng mga manggagawa para sa trabaho sa Japan, Korea, at Papua New Guinea.
Ang nasabing simbahan ay kilala rin bilang Faithful Promise of Jesus Christ the Greatest Master Phil. Inc., at Faithful Promise Church sa Pilipinas.
Ipinaliwanag ni Undersecretary Bernard P. Olalia na isinagawa ang closure operation matapos ang serye ng surveillance operations, at ang pag-aresto kay Pastora Esclarmonde Estrada Basalio, na nagre-recruit ng mga manggagawang walang lisensya mula sa DMW.
“Ang una po nilang nabiktima ay mga kapuwa nila parishioners, yong mga miyembro mismo ang nagsumbong, at siyempre vinalidate natin. Meron mga na-offload, dahil may mga nagrereklamo at kasalukuyang sinisingil kahit walang authority, based on the confirmation from the complainants. Tsaka yong mga nakaalis, at yong aalis pa sila nirecruit. Wala po tayong ibang option,” kundi isagawa po.
“Kung aalis sila na hindi dokumentado, hindi tamang dokumentasyon, buhay ang kapalit hindi kapag nagkamali. Yon po ang ating isinaalang-alang—pamilya at buhay ng OFW dagdagp n anito.
Ibinunyag ni Czar Eric Nuqui, Hepe ng NBI Cavite North District Office, na naniningil ang recruiter sa mga biktima ng tig-P50,000 para sa processing fees at mga dokumento sa pagkukunwari ng community work.
“May mga natanggap tayong impormasyon as we speak, may mga biktima na nakapunta sa ibang bansa at sila po’y walang trabaho na nadatnan,” ani ni Nuqui .
Sinabi ni Assistant Secretary Jerome Alcantara na karamihan sa mga biktima ay patungo sa Japan para sa construction work at basic elementary occupations.
Nangako ang recruiter ng mga trabaho tulad ng factory worker, tea pickers, clerk, accountant, mechanical engineers, at construction worker sa Japan, Korea, at Papua New Guinea, na may suweldong mula Php36,000 hanggang Php120,000.
Ang mga biktima ay binigyan ng tourist visa at inutusang sabihin sa Immigration na sila ay mga misyonero. Ang ilang mga biktima ay na-offload, ang iba ay na-deploy, at ang ilan ay naghihintay pa rin ng pag-deploy.
Ang pagsasara ay isinagawa ng Migrant Workers Protection Bureau (MWPB) ng DMW sa pakikipag-ugnayan sa NBI.
Hinihikayat ang mga biktima ng relihiyosong grupo na iulat ang kanilang mga kaso sa MWPB sa pamamagitan ng opisyal na hotline +63 2 8721-0619, email mwpb@dmw.gov.ph, o Facebook page (https://www.facebook.com/dmwairtip) para sa tulong sa paghahain ng mga reklamo.
