SAPAT ang suplay ng gasolina at pangunahing bilihin sa bansa sa kabila ng pagtaas ng presyo ng langis bunsod ng tensyon sa Gitnang Silangan ayon sa Malacañang.
“Sa ngayon, tulad ng aking sinabi kahapon sa DTI, wala naman daw movement ng presyo sa mga basic commodities natin sa NCR at sa ibang mga region,” ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary and Palace Press Officer Claire Castro sa isang media briefing sa New York.
Dagdag pa ng Palasyo, anumang hindi pangkaraniwang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at produktong petrolyo ay dapat agad iulat sa DTI at Department of Energy (DOE).
Nagsimula na rin ngayong araw ang ilang kompanya ng langis na magpatupad ng tatlong araw na sunud-sunod na dagdag-presyo sa produktong petrolyo.
Gayunpaman, sinabi ni Castro na nakahanda ang pamahalaan upang mabawasan ang epekto ng tensyon sa Gitnang Silangan.
“Hindi man ito nagaganap at hindi ito ang kagustuhan ng ating gobyerno pero dahil sa tension na nagpapatuloy sa Middle East, kailangan talagang paghandaan ng mga kababayan natin. Pero hindi kailangan magkaroon ng panic buying dahil kumpleto naman at enough pa ang supply, lalong-lalo na ang ating fuel at ng ating mga basic commodities,” ayon kay Castro
