PINAGTIBAY ni OFW Party List Rep. Marissa “Del Mar” Magsino ang paninindigan sa pagseserbisyo sa mga migranteng manggagawa (OFW) at kanilang pamilya sa pamamagitan ng serye ng pagpupulong sa Tarlac nitong Biyernes (Pebrero 14).
Sa isang pulong sa tanggapan ni Pura Mayoralty Candidate Jonar Tabaquin, nakipag-ugnayan si Magsino sa mga lokal na opisyal ng Unang Distrito ng Tarlac, kabilang sina Mayor Iluminado Pobre, Jr. ng Mayantoc at Mayor Celso Banag ng Ramos. Pinag-usapan sa pagpupulong ang mga programang naglalayong protektahan ang mga OFW at kanilang pamilya mula sa iba’t ibang hamon, kabilang ang repatriation, welfare assistance, at pangkabuhayan.
“Sa pakikisalamuha ko sa mga OFW sa 11 host countries na aking nabisita, direkta nating nalaman ang kanilang mga pangangailangan,” ani Magsino. “Dapat tiyakin natin na may sapat silang suporta, hindi lang habang nasa ibang bansa sila kundi pati na rin ang kanilang mga pamilyang naiwan sa Pilipinas.”
Ipinahayag naman nina Tabaquin at iba pang opisyal ang kanilang pagsuporta sa adbokasiya ng OFW Party List. Anila, handa silang makipagtulungan upang matiyak ang isang mas maunlad at matatag na kinabukasan para sa mga OFW at kanilang mga mahal sa buhay.
Agrikultura
Bukod sa usaping OFW, lumahok din ang kongresista sa inagurasyon ng isang solar-powered irrigation system sa Barangay Sula, San Jose, Tarlac, kasama si Rep. Christian Tell Yap. Ang proyektong ito ay naglalayong palakasin ang sektor ng agrikultura at tiyakin ang sapat na suplay ng tubig para sa mga magsasaka.
“Ipinagkaloob ng OFW Party List ang irrigation system na ito upang maging matatag ang kabuhayan ng ating mga magsasaka—sila ang tunay na dahilan kung bakit masagana ang sektor ng agrikultura,” sabi ni Magsino.
Sa pagtatapos ng kanyang pagbisita, hinikayat ni Magsino ang mas malawak na pakikilahok ng mga lokal na opisyal upang mapalawak ang mga serbisyong ibinibigay sa mga OFW.
“Ang ating pagkakaisa sa pagkilos para sa magandang kinabukasan ng ating mga OFW at kanilang pamilya ay nagdudulot ng makabuluhang pagbabago para sa inklusibong serbisyong pangkabuhayan, karapatan, at kapakanan nila,” aniya.
