NATIMBOG ang suspek sa pagpatay at paggahasa sa 8-taong gulang na batang babae na natagpuan sa loob ng isang sako sa Taytay, Rizal noong Setyembre 11.
Ayon sa extra-judicial confession ni Jhonmr Tapsil, isang 41-taong gulang na construction worker, pinatay niya ang batang Grade 3 student matapos nitong gahasain saka nito nilagay ang bangkay sa isang asul na sako at itinapon ito sa harapan ng bahay ng kanyang isa sa mga kapitbahay.
Base sa ulat kay Brig. Gen. Paul Kenneth Lucas,director ng Police Regional Office 4-A, sinabi ni Col. Felipe B. Maraggun, direktor ng Rizal Police Provincial Office, na natuklasan din nila na mayroon pang pending warrant of arrest ang suspek para sa qualified rape na inisyu ni Judge Jennifer A. Santos De Lumen ng Cainta, Rizal Regional Trial Court Branch 18.
Agad na ipinatupad ang warrant of arrest matapos maaresto ang suspek.
Noong Setyembre 16, isang kasong rape with homicide ang isinampa laban sa suspek kay Assistant Provincial Prosecutor Severino V. Alforte ng Rizal Provincial Prosecutor’s Office.
Matatandaan noong Setyembre 12, bandang 7:00 AM natagpuan ang bangkay ng biktima sa harap ng Blk. 30, Mabunga St., Purok 5, Lupang Arenda sa Taytay.
Agad na ipinagbigay alam ng may-ari ng bahay ang kanyang nakitang bangkay sa mga lokal na opisyal ng barangay, kaya naman agad na humingi ng tulong ang mga ito sa pulisya ng Taytay.
Ayon sa saksi, nakita niya ang sako sa harap ng kanilang bahay na ginagamit ng ilan sa kanilang mga kapitbahay bilang tambakan ng basura. Sinabi niya na kinaladkad niya ang sako patungo sa kabilang bahagi ng kalye.
Gayunpaman, bandang 11:00 PM ng parehong araw, sinabi ng saksi na nakita niya pa rin ang sako sa parehong lugar at hiniling sa kanyang asawa na itapon ito.
Natagpuan ng mag-asawa ang bangkay ng biktima sa loob ng sako nang subukan nilang tingnan kung ano ang nasa loob nito at agad silang tumawag sa pulisya.