HINIMOK ni Senador Win Gatchalian ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) at ang Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) na tiyakin ang pagsasakatuparan ng kanilang kasunduan sa pagtatapos ng taon, na nagreresolba sa kanilang hidwaang may kaugnayan sa pagtatayo ng dalawang transmission tower ng NGCP sa teritoryo ng TIEZA.
Napag-alaman ni Gatchalian ang kasunduan ng dalawang partido sa pamamagitan ng isang out-of-court compromise agreement. Sa katatapos na deliberasyon ng Senado para sa 2024 national budget, ibinahagi ni Senador Nancy Binay, na siyang nanguna sa budget hearing ng Department of Tourism (DOT), ang pahayag ng departamento na inaasahang matatapos ang proyekto sa Disyembre ng taong ito. Ang TIEZA ay isang attached agency ng DOT.
“Ang hidwaan ng NGCP at TIEZA ay naging balakid sa pagkumpleto ng isang kritikal na transmission project na mahalaga para sa pagtiyak ng sapat na suplay ng enerhiya sa bansa. Hindi natin kakayaning magkaroon pa ng anumang pagka-antala ang proyekto,” pagbibigay-diin ni Gatchalian.
Ipinatigil kasi ng TIEZA ang pagtatayo ng naturang grid connection matapos makakuha sa korte ng temporary restraining order (TRO) laban sa pagtatayo ng NGCP ng dalawang transmission tower na matatagpuan sa Kang-Irag property ng TIEZA sa Cebu.
Ang kontrobersyal na proyekto ay ang Cebu-Magdugo 230 kiloVolt (kV) Line, isang 33-kilometer transmission line na umaabot mula sa substation ng NGCP sa Cebu City hanggang Toledo City, na tumatawid sa mga bulubunduking barangay ng parehong lungsod.
Ang Cebu-Magdugo project, ayon sa senador, ay isang mahalagang bahagi ng Cebu-Negros-Panay Stage 3 (CNP3) power sharing. Mahalaga rin ito upang ang 450-megawatt (MW) Mindanao-Visayas Interconnection Project (MVIP) ay gumana nang buong kapasidad nito. Sa madaling salita, kapag natapos ang proyekto, ang MVIP at CNP3 ay magreresolba sa banta ng anumang posibleng kakulangan ng suplay sa kuryente sa pamamagitan ng suplay na manggagaling sa Mindanao at iba pang bahagi ng Visayas.
“Ang kasunduan sa dalawang kampo ay isang magandang balita na inaasahan nating magkakatotoo. Ang susunod na proseso na ay documentation na siyang magbibigay-daan para sa NGCP na pabilisin ang konstruksyon nang walang masyadong inaasahang pinsala at gastos para sa proyekto,” sabi ni Gatchalian. Dagdag pa ng senador na nakausap niya si TIEZA head Mark Lapid sa mga detalye at solusyon sa problema.
Sinabi ni Gatchalian na ang Senate Committee on Energy ay naging napaka-agresibo sa pagpupursige ng transmission expansion projects sa bansa.
“Marami nang transmission projects ng NGCP ang matagal nang na-delay, na nagiging dahilan para makaranas ang bansa ng yellow at red alerts. Inaasahan nating matatapos sa lalong madaling panahon ang Cebu-Magdugo project para masiguro ang sapat na suplay ng kuryente sa Visayas at iba pang lugar sa bansa. Palagi na tayong nakakaranas ng red at yellow alerts at ang transmission ay isa sa mga pangunahing sanhi ng mga alertong ito,” pagtatapos niya.
