HINIKAYAT ng Department of Transportation (DOTr) at ng Toll Regulatory Board (TRB) ang mga operator ng tollway na magbigay ng diskwento sa mga Class 3 na sasakyang dumaraan sa mga expressway dahil sa pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo na dulot ng sigalot sa Middle East.
Kabilang sa mga Class 3 vehicles ay mga heavy duty trucks tulad ng freight at container truck na kadalasang nagdadala ng mga basic goods at commodities kasama na ang mga agricultural products.
Sa isang press briefing sa Malacañang nitong Miyerkules, sinabi ni Transportation Secretary Giovanni Lopez isa pa sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ay na makipag-ugnayan ang DOTr at TRB sa mga toll operator para magpatupad ng mga hakbang na makakatulong upang mabawasan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis.
“Isa pa sa inutos din ng ating Pangulo ay ang paghahanap ng iba pang mga interbensyon o hakbang na makapagpapagaan ng sitwasyon, hindi lamang sa pamamagitan ng cash assistance. Kaya kami sa DOTr at TRB ay makikipag-usap sa ating mga toll operators upang makapagbigay sila ng diskwento sa toll fee ng mga provincial bus at ng mga trak na nagdadala ng mahahalagang produkto tulad ng essential goods at mga produktong agrikultural, ayon kay Lopez.
“At kami ay nagpapasalamat sa toll operators natin na sila naman ay sumasang-ayon, kasi we did the numbers, like sa mga bus, makakatipid sila ng mga PhP5 to PhP7,” dagdag pa ng Kalihim.
Sa kasalukuyan, ang toll rate para sa Class 3 na sasakyang dumaraan sa Southern Luzon Expressway (SLEX) at Metro Manila Skyway ay aabot sa PhP102 hanggang PhP1,716, depende sa entry point at exit point.
Habang sa North Luzon Expressway (NLEX), ang toll rate para sa mga Class 3 na sasakyan ay mula PhP254 hanggang PhP2,008, depende rin sa kanilang entry at exit point.
