ISANG Grade 7 student ang nahulihan ng kutsilyo habang pumapasok sa Marbel 7 National High School sa Koronadal City nitong Martes ng umaga, kasabay ng pinaigting na seguridad sa mga paaralan kasunod ng naganap na pamamaril sa kalapit na bayan ng Banga.
Nadiskubre ang kutsilyo sa loob ng bag ng estudyante habang dumaraan ito sa security screening sa gate ng paaralan.
Naganap ang insidente sa muling pagbabalik ng klase matapos suspendihin ng pamahalaang lungsod noong Lunes ang mga klase sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong paaralan upang bigyang-daan ang safety at security assessment sa mga paaralan sa Koronadal.
Sa isang video na inilabas ni Barangay Topland Chairperson Terrence Jay Ehimplar, makikita ang kutsilyo na umano’y nakumpiska mula sa isang estudyante sa isinagawang inspeksyon sa gate ng junior high school.
Wala pang inilalabas na karagdagang detalye ang mga awtoridad hinggil sa pagkakakilanlan ng estudyante o sa naging aksyon ng pamunuan ng paaralan matapos matuklasan ang kutsilyo.
Samantala, nagpulong noong Lunes ang City Disaster Risk Reduction and Management Council upang talakayin ang mga hakbang para higit pang mapalakas ang seguridad sa mga paaralan.
Kabilang sa mga ipatutupad na hakbang ang paglalagay ng Barangay Peacekeeping Action Teams at karagdagang presensya ng mga pulis upang tumulong sa security inspections at pagsusuri sa mga taong pumapasok sa mga paaralan.
Ang mga hakbang ay isinagawa kasunod ng pamamaril noong Biyernes sa Banga na ikinasawi ng tatlong estudyante at ikinasugat ng anim na iba pa.
