Camp BGen Vicente P Lim- INARESTO ng mga operatiba ng Quezon Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) ang dalawang itinuturing na High-Value Individuals (HVI) sa magkahiwalay na buy-bust operations noong Hulyo 9, 2025 sa Lungsod ng Lucena.
Ang unang operasyon ay isinagawa dakong alas-4:49 ng hapon sa Barangay Domoit, Lucena City, naaresto si Nelson Cruzado Romero, alyas “Nelson,” 50 taong gulang, may asawa, at residente ng Brgy. Mamala 2, Sariaya, Quezon. Si Romero ay kabilang sa listahan ng mga High-Value Individuals sa ilegal na droga sa lalawigan. Isinagawa ang operasyon sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), na nagresulta sa pagkakasamsam ng tinatayang 65 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng Php442,000.00.
Samantala nang ikinasa ang ikalawang buy-bust operation dakong alas-10:33 ng gabi sa Purok Narra, Barangay Isabang, Lucena City laban sa isa pang HVI na si Arthuz Maranan Enelo, alyas “Arthuz.” Nasamsam mula sa suspek ang tinatayang 31 gramo ng hinihinalang shabu na nakalagay sa isang sachet at anim na plastic bag, na may halagang Php 210,800.00 batay sa Standard Drug Price. Narekober din ang isang caliber .45 na baril , isang magazine, at anim na bala ng parehong kalibre.
Pinuri ni Police Brigadier General Jack L Wanky, Regional Director ng PRO CALABARZON, ang pinagsanib na puwersa ng mga operatiba ng Quezon PPO sa matagumpay na buy-bust operation na nagresulta sa pagkakaaresto ng isang malaking personalidad sa ilegal na droga sa Lucena City, Quezon.
Kasalukuyang nakakulong ang dalawang suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 habang si Enelo ay mahaharap din sa karagdagang kaso kaugnay ng RA 10591.
