DALAWANG kasambahay ang namatay nitong Miyerkules sa sunog na tumama sa isang condominium building sa Ongpin St. sa Binondo, Maynila.
Naipit ang mga biktima sa isang nasusunog na unit sa ika-35 palapag ng gusali, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP).
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na namatay sila dahil sa suffocation.
Nakatakas ang may-ari ng unit at dalawa niyang kamag-anak sa lumalangabngab na apoy.
Nagsimula ang sunog na tumama sa 56-palapag na Anchor SkySuites alas-3:25 ng madaling araw noong Miyerkules at naapula alas-4:51 ng umaga.
Patuloy ang imbestigasyon sa kung ano ang pinagmulan ng sunog.
Tinatayang nasa P4.5 milyon halaga ang napinsala ng sunog ayon sa BFP.
