
PUMALO na sa 30 katao ang nasawi sa magnitude 7.6 na lindol na tumama sa Japan nitong Enero 1, 2024, kung saan libo-libo ang napinsalang kabahayan.
Base sa nakalap na ulat, namatay ang halos kalahati mula sa City of Wajima kung saan nagkaroon ng sunog matapos ang paglindol, nawalan ng kuryente at gumuho ang mga gusali .
Tumama sa rehiyon ng Noto Ishikawa ang magnitude na 7.6 na lindol sa Sea of Japan bandang 4:10 ng hapon kaya naman agad na naglabas ng tsunami warning ang Meteorological Agency ng Japan para sa kanlurang baybaying rehiyon.
Kaagad na lumikas ang mga residente sa coastal areas upang lumipat sa mataas na bahagi ng lugar dahil sa tsunami waves na umabot naman sa apat na talampakan.
Hanggang sa ngayon ay nahihirapan na suriin ang kabuuang pinsala sa nangyaring sakuna dahil sa mga sira-sirang kalsada .
Tinatayang nasa 500 katao na rin ang stranded sa mga sasakyan na nasa paliparan dahil sa lubos na napinsala ang runway at mga daanan kaya naman isinara na ang Noto airport.