UMAKYAT na sa 43 ang bilang ng mga nasawi, habang 20 ang sugatan at lima ang patuloy na nawawala matapos hagupitin ng malalakas na ulan at pagbaha ang maraming bahagi ng bansa dahil sa pinagsamang epekto ng Habagat at Tropical Cyclones Luis, Maymay, Neneng at Pilandok.
Batay sa pinakahuling situation report ng Office of Civil Defense (OCD) nitong Linggo, naitala ang mga nasawi sa Cordillera Administrative Region, Ilocos Region, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Western Visayas at National Capital Region.
Benguet ang may pinakamataas na bilang ng casualties, na umabot sa 15. Sampu rito ay mula sa Baguio City, dalawa sa La Trinidad at tatlo sa Atok.
Pawang landslide ang iniugnay na sanhi ng pagkamatay ng mga biktima sa mga lugar na ito.
Samantala, anim ang nasawi sa Rizal. Dalawa sa Rodriguez ang namatay matapos tamaan ng rockslide, habang sa Antipolo ay may dalawang nasawi dahil sa magkahiwalay na insidente ng pagkatumba ng puno at pagkalunod. Dalawa rin ang naitala sa Binangonan.
Apat naman ang namatay sa Batangas, habang tig-tatlo ang casualties sa Pangasinan at Zambales.
May tig-dalawang nasawi sa Quezon, Occidental Mindoro at Caloocan, habang tig-iisa naman ang naitala sa La Union, Pampanga, Oriental Mindoro at Negros Occidental.
Kabilang sa mga naiulat na sanhi ng pagkamatay ang landslide, pagkalunod, rockslide, pagbagsak ng puno, pagkakuryente at malalakas na agos ng tubig.
Hindi rin nakaligtas sa hagupit ng kalamidad ang maraming residente. Umabot sa 20 ang sugatan, kung saan 13 ang mula sa Benguet.
Walo sa mga sugatan sa Benguet ay mula sa Baguio City, dalawa sa La Trinidad at isa sa Atok na nasugatan sa landslide. Mayroon ding mga nasugatan sa Buguias at Duacan matapos matamaan o maapektuhan ng mga bumagsak na puno.
May mga sugatan din na iniulat sa Ilocos Sur, Abra, Quezon City, Rizal at Cavite.
Samantala, patuloy na hinahanap ang limang katao na nawawala. Kabilang dito ang tig-isa sa Quezon City, Manila, Batangas City, Rodriguez, Rizal at Porac, Pampanga.
Karamihan sa mga insidenteng kinasasangkutan ng mga nawawala ay iniugnay sa pagkalunod, ayon sa OCD.
Mas malaki naman ang lawak ng pinsala sa mga komunidad. Tinatayang 2.9 milyong pamilya o 10.2 milyong indibidwal na ang naapektuhan sa Regions I, III, V at VI, gayundin sa CALABARZON, CAR, NCR at MIMAROPA.
Umabot na rin sa 6,900 barangay ang tinamaan ng kalamidad, dahilan upang patuloy na isagawa ang search and rescue, relief at iba pang response operations sa mga apektadong lugar.
