HINAMON ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang Korte Suprema na aksyunan na ang nakabinbing administrative complaint laban sa pitong mahistrado ng Court of Appeals (CA) na inaakusahan ng umano’y paglabag sa batas at asal na nakapipinsala sa interes ng serbisyo.
Ayon kay Remulla, panahon nang linawin ng Supreme Court kung ano na ang naging aksyon sa reklamong inihain noong Marso 2025 ng kanyang predecessor na si dating Ombudsman Samuel Martires.
Inireklamo ang pitong CA justices dahil sa umano’y gross ignorance of the law o matinding kawalan ng kaalaman sa batas at iba pang alegasyong may kaugnayan sa kanilang tungkulin.
Nakasentro ang reklamo sa desisyon ng CA na baligtarin ang preventive suspension orders na inilabas ng Ombudsman laban sa ilang opisyal ng Antique, kabilang si Tobias Fornier Mayor Ernesto Tanjanlangit III.
Kabilang sa mga inireklamong CA associate justices sina Louis Acosta, Rex Bernando Pascual, Mary Charlene Hernandez-Azura, Roberto Quiroz, Ferdinand Baylon, Marlene Gonzales-Sison at Rafael Santos. Sina Sison at Santos ay nagretiro na.
Sa kanyang radio program na “Executive Session,” sinabi ni Remulla na wala pa siyang nakikitang pampublikong rekord na nagpapakitang may inilabas nang resolusyon o naging aksyon ang Judicial Integrity Office o ang Korte Suprema sa naturang reklamo.
Iginiit ito ni Remulla matapos sabihin ng tagapagsalita ng Supreme Court na si Camille Ting na dapat magsampa ng kaso ang Ombudsman kung mayroon itong sapat na ebidensiya laban sa mga miyembro ng hudikatura.
Ayon kay Ting, hindi maaaring aksyunan ng Korte Suprema ang mga malawak o pangkalahatang akusasyon lamang.
Ngunit paliwanag ni Remulla, may partikular nang administrative complaint na nakabinbin sa Judicial Integrity Office, ang sangay ng Supreme Court na nag-iimbestiga sa mga disciplinary case laban sa mga miyembro ng hudikatura.
Nag-ugat ang reklamo sa pagbasura ng CA sa preventive suspension order ng Ombudsman laban kay Mayor Tanjanlangit noong 2024.
Nauna nang sinuspinde si Tanjanlangit kaugnay ng alitan nito sa noo’y Vice Mayor Jose Maria Fornier hinggil sa pamamahagi ng mga food pack.
Ayon kay Remulla, hindi lamang ito ang pagkakataong may mga desisyon ng Ombudsman na umano’y nababaligtad sa CA, kaya dapat nang masusing tingnan ang sistema at proseso ng hustisya.
Binigyang-diin ng Ombudsman na walang dapat ituring na “sacred cow” sa hudikatura, kabilang ang Supreme Court, mga mababang hukuman, hukom at appellate court justices.
“Wala nang dapat maging sacred cows,” mariing pahayag ni Remulla.
Giit niya, kung may reklamo at sapat na batayan laban sa isang miyembro ng hudikatura, dapat itong dumaan sa tamang proseso at hindi dapat manatiling nakabinbin nang walang malinaw na aksyon.
Nanawagan din si Remulla na magkaroon ng malinaw na tugon ang Korte Suprema sa status ng reklamo upang matiyak na napapanagot ang sinumang mapatutunayang lumabag sa batas o sa kanilang tungkulin.
