NASA maselang kondisyon ngayon ang isang 70-anyos na lola matapos umanong tagain ng karit ng kanyang lasing na kapitbahay sa Kitaotao, Bukidnon, nitong Linggo, Nobyembre 15.
Kinilala ng pulisya ang biktima sa alyas na “Mildred”, residente ng Purok 5, Barangay East Dalurong, Kitaotao, na nagtamo ng sugat sa kanang braso malapit sa kayang pulsuhan ng atakihin sya sa labas ng isang tindahan dakong alas-6:15 ng gabi.
Ayon kay Police Major Jose Regner Sevilleno, hepe ng Kitaotao Municipal Police Station, nakatayo sa harap ng tindahan ang matandang babae nang bigla siyang lapitan ng 56-anyos na suspek na si alyas “Elmo”, na pinaniniwalaang nakainom ng alak.
Walang sabi sabing tinaga ng isang beses ang biktima ng suspek gamit ang 15-pulgadang karit.
Napag-alaman ng mga imbestigador na ilang ulit nang nagreklamo ang biktima at iba pang kapitbahay laban sa suspek, na hinihiling na paalisin sa kanilang komunidad dahil sa magulo at hindi maayos na asal nito tuwing nalalasing.
Matapos ang insidente, gumanti ang mga kamag-anak ng biktima at pinagbubugbog ang suspek, na nagtamo rin ng maraming sugat.
Agad na isinugod ang matandang babae sa Quezon Infirmary Hospital sa karatig-bayan ng Quezon para sa gamutan.
Naaresto naman ng rumespondeng mga pulis ang suspek at narekober ang ginamit na 15-pulgadang karit.
Kasalukuyan nakakulong ang suspek sa Kitaotao Police Station habang hinihintay ang posibleng pagsasampa ng kaukulang kasong kriminal laban sa kanya.
