NASAWIang tatlong magpinsang batang nasa edad 4, 5 at 6 makaraang malunod sa isang lawa sa Barangay Payas, Santa Barbara, Pangasinan, araw ng Sabado.
Natagpuan ang walang buhay na katawan ng mga bata dakong alas-5:20 ng hapon ng isang magsasaka na naghanap sa lugar matapos makita ang kanilang mga damit sa tabi ng isang latian.
Agad na isinugod ng mga tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ang mga biktima sa Region 1 Medical Center sa Dagupan City ngunit idineklara silang dead on arrival ng attending physician.
Sinabi ni Police Colonel Michael Datuin, hepe ng Santa Barbara Police Station, bago ang trahedya ay nakitang naglalakad ang mga bata na patungo sa isang sakahan dakong alas-2 ng hapon.
Narinig din umano ng ilang mga residente ang mga bata na nag-uusap tungkol sa pagligo malapit sa isang water pump.
Humingi na ng tulong ang pulisya sa Barangay na maglagay ng bakod sa paligid ng pond upang maiwasan ang paglangoy ng mga residente, lalo na ng mga bata.
Karaniwang gumagawa ng mga pond ang mga magsasaka malapit sa kanilang sakahan o ginagawang palaisdaan ang maliliit na bakanteng lote upang mag-alaga ng isda na nagsisilbing dagdag na kabuhayan at mapagkukunan ng pagkain para sa kanilang pamilya.
