
NAPIGILANG lumabas ng bansa ng mga immigration officers ang isang human trafficker na may kasamang pitong biktima na sakay ng Philippine Airlines patungo sanang Bangkok, Thailand noong Marso 1.
Ayon kay Commissioner ng Bureau of Immigration (BI) na si Norman Tansingco na nagpanggap ang mga biktima na magkakaibigan na maglalakbay sa ibang bansa para sa isang bakasyon.
Sa masusing pagsusuri ng kanilang mga dokumento ay lumitaw ang mga hindi pagkakatugma ang mga detalye kaya naman na isinailalim sila sa pangalawang inspeksyon ng immigration officer.
Nakumpirma ng mga biktima na patungo sila sa bansang Laos kung saan sila ay inalok ng trabaho bilang mga customer service representative at patungo rin sila sa Chiang Mai, Thailand bago maglakbay patungo sa Laos sa pamamagitan ng bangka, at inalok sila ng isang buwanang sahod na mga P40,000.
Sinabi ng mga biktima na natanggap nila ang alok ng trabaho sa pamamagitan ng Facebook at online messaging service na Telegram.
Kinumpirma nila na ang mga pekeng IDs at iba pang mga dokumento ay ibinigay sa kanila ng kanilang escort sa labas mismo ng paliparan bago ang kanilang flight.
“Ang escort ay sumama sa kanila, ngunit nagpanggap na mag-isa lamang papunta sa Thailand nang dumaan siya sa immigration,” sabi ni Tansingco.
Nakumpirma ring kasabwat ito ng recruiter kaya naman ibinigay sa Inter-Agency Council Against trafficking (IACAT) ang suspek upang harapin ang mga kaso na isasampa laban sa kanya.
Samantala, naharang rin ng BI ang isa pang babaeng biktima ng trafficking patungo sa United Arab Emirates (UAE).
Ang biktima ay nahuli noong Marso 3 sa NAIA Terminal 3 matapos subukang umalis sa pamamagitan ng isang flight ng Cebu Pacific Airlines patungong Dubai.
Nagpanggap ang babae na mag-isa lamang papunta sa UAE para sa pamamasyal ngunit sa huli ay umamin na tinanggap niya ang alok ng trabaho na natanggap via Facebook.
Siya ay sinabing inalok bilang isang household service worker sa pamamagitan ng Facebook at inalok siya ng buwanang sahod na P20,000.
Dagdag pa niya na kinontak siya ng kanyang recruiter sa pamamagitan ng WhatsApp, kung saan siya ay pinayuhan na magpanggap na turista at kumuha ng mga pekeng dokumento para ipakita sa immigration.