NASAWI ang walong katao, kabilang ang tatlong menor de edad, nitong Huwebes sa sunog na tumama sa isang tatlong palapag na apartment sa Bgy. San Isidro, Galas, Quezon City.
Bineberipika na ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang pagkakakilanlan ng mga biktima.
Kabilang sa mga nasawi sa sunog ay isang 40-anyos na lalaki, dalawang babae na may edad na 34, isang 29-anyos na lalaki, isang 20-anyos na babae, isang 15-anyos na babae, isang 12-anyos na lalaki, at isang dalawang-taong-gulang na lalaki.
Karamihan sa mga biktima ay natagpuan sa ikalawang palapag ng apartment.
Lumabas sa imbestigasyon na sumiklab ang sunog dakong alas-2 ng madaling araw sa apartment na pag-aari ng isang Ruth Capili sa Desi Nueve de Agosto St. sa Bgy. San Isidro.
Agad na nilamon ng apoy ang buong gusali.
Nakontrol ang sunog makalipas ang isang oras ng mga rumespondeng bumbero.
Sinabi ng mga arson investigator na maaaring nakulong ang mga biktima dahil mabilis na nilamon ng apoy ang istraktura.
Hindi pa matukoy ng BFP ang pinagmulan ng sunog.
Samantala, isang Jophel Samosa, 36, na nakatakas mula sa nagngangalit na apoy, ay nagtamo ng sugat sa kaliwang siko at ginagamot sa Emergency Medical Services ng BFP.
Tinatayang nasa P3.6 milyon ang pinsala ng mga ari-arian.
