INILUNSAD sa rehiyon ng Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas,Rizal, Quezon) ng Comelec at Police Regional Office 4A ang kick-off checkpoint ceremony na ginanap sa Calamba City, Laguna, nitong Linggo bilang hudyat ng pagsisimula ng nalalapit na national at local elections(NLE) 2025 sa Mayo 12.
Sa regional kick-off ceremony na ginanap sa Calamba City, Laguna, ipinaliwanag ni election officer IV Attorney Marx Nicholai Delmo na kabilang sa mga protocol na dapat sundin upang matiyak na mapoprotektahan ang mga karapatan at privacy ng mamamayan ay ang Plain View Doctrine, na nagpapahintulot lamang sa mga visual search inspections.
Ipinagbabawal ang mga pulis na buksan ang trunk o compartment ng sasakyan, pati na rin ang pagbaba o pag-frisking ng mga pasahero.
Ang mga checkpoint ay kinakailangang nasa mga lugar na may maliwanag na ilaw, na may mga pulis na nakasuot ng maayos na uniporme at may suot na nakikitang mga name tag.
Ang bawat checkpoint ay dapat magpakita ng karatula na nagsasaad ng pangalan ng punong presinto, lokal na opisyal ng Comelec, at mga contact number para sa pag-uulat ng anumang alalahanin.
Hinimok ni Comelec 4A Regional Election Director attorney Allan Enriquez Enriquez ang lahat na maging matiyaga at maunawain habang inilalagay ang mga hakbang sa seguridad upang maging mapayapa at ligtas ang panahon ng halalan.

Ang Comelec 4A, kasama ang PRO4A sa pamumuno ni Regional Director Brig. Gen. Paul Kenneth T. Lucas at iba pang support agencies, nagsagawa ng checkpoint operation sa kahabaan ng national highway sa Bgy. Halang, Calamba City, Laguna, bilang bahagi ng nationwide simultaneous set up ng Comelec checkpoints.
Ang kaganapan ay minarkahan ang pagsisimula ng panahon ng halalan at nagsilbing isang makabuluhang kick-off para sa pagpapatupad ng PNP-Comelec checkpoints na naglalayong tiyakin ang isang mapayapa at maayos na halalan alinsunod sa mga guidelines na nakasaad sa Comelec Resolution No. 11067.
Ang mga checkpoint ay mahalaga upang matiyak ang kapayapaan, kaayusan, at seguridad sa panahon ng halalan.Ang seremonyal na paglulunsad ng checkpoint sa Bgy. Halang ay dinaluhan ng mga pangunahing opisyal mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno, kabilang sina Enriquez, Assistant Regional Election Director attorney Margaret Joyce M. Reyes-Cortez, at Laguna provincial election supervisor attorney Patrick E. Enaje.
Kabilang din ang National Police Commission (Napolcom) 4A Regional Director Owen G. De Luna, Brig. Gen. Ronald Jess S. Alcudia, commander ng 202nd Brigade, 2nd Infantry Division ng Philippine Army, FSSupt. Nakiisa rin sa okasyon sina Maria Victoria Brual ng Bureau of Fire Protection 4A, Ensign Neptali L. Rofuli Jr. ng Philippine Coast Guard Southern Tagalog, at LTJG Maureen G. Rodriguez ng Philippine Coast Guard NCR-Central Luzon.
Samantala sabay-sabay na itinato ang 1,500 checkpoints sa buong bansa ng Philippine National Police (PNP) sa unang araw ng election period.
