NATIKLO ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang lalaking South Korean na parehong wanted sa mga awtoridad ng Interpol at Seoul na sangkot sa multi-million dollar investment scam.
Kinilala ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang isa sa mga pugante na si Kim Young Sam, 58-anyos, na nadakip ng fugitive search unit ng bureau noong Abril 22 sa loob ng kanyang tirahan sa BF Homes Village sa Parañaque City.
Sinabi ni Viado na sa operasyon, nadiskubre ng mga arresting agent ang presensya ng isa pang Korean fugitive na kalaunan ay nakilalang si Weon Cheolyong, 59-anyos.
Ayon sa BI chief, ipapa-deport agad si Kim dahil inutusan na siyang paalisin ng BI board of commissioners noong Disyembre 2021 dahil sa pagiging undesirable alien.
Si Kim ay napapailalim din sa red alert advisory ng Interpol na inisyu noong 2018 pagkatapos ng warrant para sa pag-aresto sa kanya ng Seoul central district court kung saan siya kinasuhan ng fundraising para sa isang negosyong walang permit ng gobyerno.
Inakusahan ng mga awtoridad na bilang manager ng isang kumpanyang nakabase sa Seoul, si Kim at ang kanyang mga kasabwat ay nakikibahagi sa mga mapanlinlang na operasyon sa pamamagitan ng paghingi ng mga pamumuhunan para sa pagpapaunlad ng isang umano’y negosyong cryptocurrency.
Naiulat na mula noong 2015, nadaya ng nasabing kumpanya ang mahigit 3 bilyong halaga ng pamumuhunan mula sa 253 na biktima.
Habang si Weon ay lumabas na overstaying alien at isa ring fugitive wanted sa Korea para sa investment fraud na nagdulot ng pagkalugi ng mahigit 17 milyong piso mula sa 14 na biktima.
Ang dalawang dayuhan ay mananatili sa BI custodial facility sa loob ng Camp Bagong Diwa, Taguig City hanggang sa kanilang deportasyon.
