ISANG Japanese na umano’y miyembro ng Luffy gang ang inaresto ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) fugitive search unit (FSU) nitong Huwebes sa kahabaan ng Friendship Highway, Brgy. Cutcut, Angeles City, Pampanga .
Kinilala ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang subject na si Ohnishi Kentaro, 47 anyos na kabilang sa undessireble alien matapos makatanggap ang BI ng impormasyon mula sa gobyerno ng Japan na ang warrant ng pag-aresto ay inisyu ng Tokyo Summary Court noong 2022 para sa pagnanakaw na lumalabag sa Japanese Penal Code.
Ang suspek at ang kanyang mga kasabwat ay nagnakaw umano ng mga ATM card sa pamamagitan ng pagpapanggap bilang mga opisyal ng pagpapatupad ng batas, panlinlang sa mga matatandang biktima na isuko ang kanilang mga bank card at personal na impormasyon sa ilalim ng pagkukunwari ng imbestigasyon ng pulisya at nag-organisa ng grupo ng hindi awtorisadong pag-withdraw ng malaking halaga sa ATM.
Si Ohnishi ay isa sa mga natitirang miyembro ng sindikato ng Luffy.
Kasunod ng paghina ng grupo ay dahil na rin sa sunud-sunod na operasyon na isinagawa ng BI FSU. Ayon sa mga awtoridad ng Japan, ang sindikato ay nakakuha ng mahigit ¥1 bilyon mula sa pagnanakaw, pandaraya, at iba pang ilegal na aktibidad.
Mananatili sa kustodiya ng BI ang suspek habang nahaharap sa mga paglilitis sa deportasyon.
