ISINUSULONG ni Senate Committee on Labor and Employment Vice Chairperson Sen. Idol Raffy Tulfo na gawing across-the-board o pantay ang minimum wage sa Metro Manila at mga probinsya.
Sa kasalukuyan, nasa ₱695 ang daily minimum wage ng mga manggagawa sa NCR na kabilang sa non-agriculture sector. Malaki ang discrepancy nito sa ibang mga probinsya gaya halimbawa ng BARMM na nasa ₱411 daily at CARAGA na ₱415 naman kada araw lamang ang swelduhan.
Sa hearing ng nasabing komite, iminungkahi ni Sen. Idol sa National Wages & Productivity Commission (NWPC), DOLE at iba pang labor experts na pag-aralan ang kanyang suhestiyon dahil ang presyo ng mga bilihin gaya ng gasolina, pagkain, medisina at marami pang iba ay pareho namang tumataas dahil sa inflation.
Sa katunayan, sinabi ni Sen. Idol na mas mahal pa nga kung tutuusin ang presyo ng gasolina, na driving force ng ating ekonomiya, sa ibang probinsya.
Dagdag pa niya, ito ay para na rin hindi na kailangang lumuwas pa ng mga taga-probinsya sa Maynila para makahanap ng trabahong may mas mataas na sweldo.
“Ang masakit pa, marami sa mga taga-probinsya ay naliliitan sa sweldo doon na hindi kaya bumuhay ng pamilya kaya lumuluwas sila sa Metro Manila. Pero pagdating sa Maynila, napakarami ring manggagawa kaya yung iba ay napupunta rin sa kumpanya na nagpapasahod ng minimum wage, o kapag minalas talaga, babalik lang uli sila sa probinsya,” saad niya.
Nangako naman si DOLE Sec. Bienvenido Laguesma na pag-aaralan nila ang mungkahi ni Sen. Idol at magsasagawa ng masusing konsultasyon sa mga Regional Tripartite Wages and Productivity Boards sa ilalim ng NWPC.
