ISANG panukalang batas na naglalayong protektahan ang mga freelancer laban sa hindi pagbabayad, hindi patas na kontrata, at iba pang mapang-abusong gawain ang inihain sa House of Representatives.
“Kulang pa rin ang legal na proteksyon ng mga freelancer sa buong bansa kahit lumalaki ang kanilang papel sa ekonomiya,” ani Cong. Nathan “Atty. Nat” Oducado ng 1Tahanan Partylist.
“Napakaraming freelancer ang hindi nababayaran, kulang sa bayad, o napipilitang pumasok sa mga hindi patas na kontrata, at wala silang malapitan kapag nagka-problema.”
Sa ilalim ng panukalang batas, ang freelance worker ay sinumang self-employed na indibidwal o single-person entity na kinukuha upang magbigay ng serbisyo bilang independent contractor, na nagtatrabaho gamit ang sariling paraan at hindi kontrolado ng kumukuha maliban sa resulta ng trabaho.
Ang HB 8785, na pinamagatang “Freelance Workers Protection Act,” ay nagtatakda ng obligadong nakasulat na kontrata, nangangailangan ng hindi bababa sa 30% down payment, nagbibigay ng night shift differential at hazard pay, at nagpapataw ng multa na hanggang ₱500,000 laban sa late payment, pagbabago ng kontrata, at pananakot o paghihiganti.
“Sa ngayon, puwedeng balewalain, kaltasan ng bayad, o basta palitan na lang ang freelancer nang walang pasabi o pananagutan, at marami ang umaabuso sa kakulangang ito sa batas,” ani Oducado.
Pinapayagan din ng panukala ang mga freelancer na magsampa ng reklamo sa Department of Labor and Employment para sa mas mabilis na pagresolba ng alitan at nagbibigay ng tax relief at mga nakalaang assistance desk sa mga tanggapan ng BIR.
“Ang panukalang ito ay nagsasabi lamang na ang tapat na trabaho ay dapat tumbasan ng tamang bayad, malinaw na kasunduan, at tunay na proteksyon sa ilalim ng batas,” ani Oducado.
