ISA ang nasawi habang apat ang sugatan sa karambola ng 10 sasakyan dahil sa nawalang prenong 10-wheeler truck sa Rodriguez, Rizal.
Sa imbestigasyon ng pulisya ng Rizal, namatay sa salpukan ang driver ng motrosiklo na si alyas Marson na nakatira sa NTA Village, Barangay San Jose, Rodriguez, Rizal.
Nawalan ng preno ang 10-wheeler truck na may dalang semento patungong Kasiglahan Village noong Lunes ng gabi.
Nagpadausdos na lang sa kalsadang pababa ang nabanggit na truck at sinalpok nito ang isang Toyota Avanza, dalawang kotseng Vios at isang Fortuner.
Sa tindi ng impact, bumangga ang Fortuner sa isang motorsiklong nasa harapan nito. Pumailalim sa SUV ang driver ng motorsiklo kasama ang sakay nito .
Habang ang kotseng Vios naman ay bumangga sa isang tricycle at isa pang kotse ang bumangga naman sa dalawang mini-bus at Hi-ace na van.
Ang sakay ng motorsiklo ay nailabas mula sa ilalim ng Fortuner at kaagad namang isinugod sa ospital ngunit agad na binawian ng buhay .
Ang iba pang mga biktima ay isinugod din sa pinakamalapit na ospital upang gamutin ang kanilang natamong sugat.
