CLARK, PAMPANGA — Nasabat ng Bureau of Customs (BOC)–Port of Clark ang nasa 1,706 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱11.6 milyon, na itinago sa mga idineklarang piyesa ng sasakyan mula South Africa.
Nadiskubre ang kontrabando matapos makitaan ng kahina-hinalang imahe sa isinagawang X-ray inspection sa shipment na patungo sana sa Angeles City.
Nagpositibo rin sa iligal na droga ang K-9 sniffing test, dahilan para isailalim sa 100% physical examination ang kargamento.
Sa inspeksyon, natagpuan sa loob ng dalawang engine piston at isang tensioner pulley kit ang 17 itim at transparent na pakete na naglalaman ng puting mala-kristal na substance na hinihinalang shabu.
Nagpositibo sa methamphetamine ang paunang pagsusuri gamit ang Rigaku Spectrometer. Isinumite naman sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mga sample para sa confirmatory laboratory test.
Naglabas na rin ng Warrant of Seizure and Detention (WSD) laban sa shipment dahil sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) at Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.
Ayon kay Port of Clark District Collector Jairus S. Reyes, patuloy na pinapalakas ng BOC ang training at kakayahan ng mga tauhan nito upang matukoy ang mga bagong paraan ng pagpupuslit.
Binigyang-diin naman ni Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno na mas mahalaga kaysa sa halaga ng nasabat na droga ang pagpigil na makarating ito sa mga Pilipino at komunidad.
