BUMAGSAK sa kamay ng mga awtoridad ang umano’y mastermind ng malawakang illegal recruitment scheme na kumubra ng milyon-milyong piso mula sa tinatayang 1,700 Pilipinong nangangarap makapagtrabaho sa Europa.
Kinilala ang suspek na si Mazhoor Khusin y Ubongin, alyas “Maz,” opisyal ng ALJU International Manpower Services, Inc. Nahuli siya ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD)–Project 4 Police Station noong Hulyo 20, 2026 sa kanyang tinutuluyan sa Mexico, Pampanga.
Ayon sa imbestigasyon, mula 2023 hanggang 2024 ay nangako umano si Khusin at kanyang mga kasabwat ng mga trabaho sa Poland, Lithuania at Czech Republic bilang factory worker, farmer at hotel worker, na may sahod na aabot sa P90,000 kada buwan.
Ngunit peke umano ang mga alok.
Sinisingil ang bawat aplikante ng P80,000 hanggang P130,000 placement fee. Sa tinatayang 1,700 biktima, posibleng umabot sa daan-daang milyong piso ang nakolekta ng grupo.
Kabilang sa umano’y modus ng grupo ang paggamit ng “few slots left” scheme para madaliin ang mga aplikante sa pagbabayad, pangakong permanent residency sa Europa at maling impormasyon tungkol sa Schengen visa.
Nangako rin umano ang grupo ng lehitimong trabaho sa abroad kahit wala namang tunay na employment opportunities.
Dahil sa mga paglabag, kabilang ang misrepresentation of employment opportunities, sobrang paniningil ng placement fees at kabiguang mag-refund, kinansela na ng pamahalaan ang lisensya ng ALJU International Manpower Services, Inc.
Matapos ang pagkakaaresto, dinala si Khusin sa Makati City Jail, kung saan isinilbi sa kanya ang humigit-kumulang 30 karagdagang warrant of arrest para sa mga kasong illegal recruitment in large scale.
Samantala, pinaghahanap pa ng mga awtoridad ang limang umano’y kasabwat na nananatiling at-large: Lalaine Salazar, Dominique Esguerra, Shane Retuerma, Mary Ann Geresola at Daisy Santinitigan.
Nagbabala naman ang mga awtoridad sa mga naghahanap ng trabaho sa ibang bansa na huwag basta magtiwala sa mga alok na “too good to be true.”
Pinayuhan ang mga aplikante na tiyaking lehitimo at may kaukulang lisensya ang recruitment agency sa Department of Migrant Workers (DMW) bago maglabas ng anumang pera.
Para sa mga umano’y biktima ng ALJU International Manpower Services, Inc., maaaring makipag-ugnayan sa DMW o sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya upang magsampa ng reklamo.
