ZAMBOANGA CITY —DALAWANG estudyante ang nasawi sa karumal-dumal na pamamaril sa loob ng Ateneo de Zamboanga University (ADZU) nitong Martes ng umaga, Agosto 18, na kinasasangkutan umano ng isang Grade 7 student.
Agad na nagkagulo sa loob ng paaralan matapos umalingawngaw ang sunod-sunod na putok ng baril habang isinasagawa ang mga klase.
Bandang 7:50 ng umaga nang makatanggap ang mga awtoridad ng ulat hinggil sa insidente.
Batay sa paunang impormasyon, pumasok umano ang suspek sa ilang bahagi ng gusali at pinaputukan ang mga estudyante at guro na nadatnan nito sa mga classroom.
May mga ulat din na umano’y nag-live stream ang suspek sa social media habang isinasagawa ang pamamaril.
Sa ilang cellphone video na kumalat, makikita umano ang isang lalaking may hawak na automatic rifle na nakatayo sa labas ng isang classroom.
Hindi agad napansin ng ilang estudyante ang panganib habang nagpapatuloy ang kanilang klase. Nang marinig ang mga putok, nagtakbuhan ang mga estudyante upang makalayo sa lugar.
Batay sa mga paunang ulat, nagtungo umano ang gunman sa isa pang classroom at muling nagpaputok bago nagsikap na makatakas ang mga estudyante gamit ang ibang labasan.
Ayon kay Councilor Fred Atilano, chairperson ng Council Peace and Order Committee, dalawang bangkay ang natagpuan sa loob ng gusali.
Isa sa mga nasawi ay natagpuan sa ikalimang palapag at sinasabing siya ang Grade 7 student na iniuugnay sa pamamaril. Malapit sa kanyang katawan ang baril na pinaniniwalaang ginamit sa insidente.
Samantala, isa pang lalaking estudyante ang natagpuan sa loob ng classroom sa ikaapat na palapag, kung saan unang naiulat na naganap ang pamamaril.
Kasunod ng insidente, ipinag-utos ni Mayor Khymer Olaso ang suspension ng klase sa lahat ng antas sa Ateneo de Zamboanga University.
Nagsagawa rin ng press conference sa paaralan na pinangunahan ni Acting Mayor Beng Climaco at City Police Director Col. Fidel Fortaleza.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang linawin ang eksaktong pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari, matukoy ang motibo sa pamamaril at alamin kung paano nakapasok sa paaralan ang armas.
Patuloy ding tinitipon ng mga awtoridad ang mga testigo, video recording at iba pang ebidensiya na makatutulong sa imbestigasyon.
